Ilan sa mga players at staff ang tinamaan ng sakit sa Valorant Champions 2022. Ilang gabi na ang nakalipas nang ma-postpone ang match sa pagitan ng FunPlus Phoenix at XSET, matapos maiulat na masama ang pakiramdam ng ilan sa mga players ng FPX.
Matapos ito ay nag-tweet si Ardis “ardiis” Svarenieks na siya ay nasa ospital, samantalang si Dmitry “SUYGETSU” Ilyushin naman ay nagsabing matutulog na lamang siya, nagmumungkahing hindi rin maganda ang kanyang pakiramdam.
Sa halip, ang unang match noong araw na iyon ay ang sa pagitan ng Zeta Division at BOOM Esports, kung saan pinauwi ng Japanese squad ang kanilang mga katunggali.
Isang stomach illness ang kumakalat sa Champions 2022

Hindi lang ang mga FPX players ang nagkakasakit. Maging si Khalish “d4v41” Rusyaidee ng Paper Rex ay kinailangan ding magpunta sa ospital, bagama’t nakalabas na siya at nagpapagaling, ayon kay Bo Hoogland.
Hindi rin pinatawad ang mga teams tulad ng Fnatic at DRX. Sa Twitter, inilarawan ng Fnatic Director na si Colin “CoJo” Johnson ang event bilang “super rough” pagdating sa kanilang kalusugan, at sinabing sina coach Jacob “mini” Harris, Jake “Boaster” Howlett, Enzo “Enzo” Mestari, at ang kanyang sarili ay tinamaan ng stomach illness sa magkakaibang pagkakataon nitong mga nakaraang araw.
Sa katunayan, sobrang sama ng pakiramdam ni Enzo bago ang kanilang match laban sa 100 Thieves at muntik na itong hindi makapaglaro, sabi ni CoJo.
Si Kim “MaKo” Myeong-kwan ng DRX ay kinailangan ding magpunta sa emergency room nung umaga ng kanilang game laban sa FURIA Esports, ngunit bumuti rin ang pakiramdam nito bago magsimula ang kanilang match. Pinlano na nga ng team na paglaruin si coach Kim “glow” Min-soo kung sakaling hindi makapaglaro si MaKo.

“I don’t know what is happening in Istanbul,” sabi sa tweet ni Yu “BuZz” Byung-chul. “I’m scared to eat anything.”
Sa casting desk naman, tinamaan din ng parehong karamdaman si Lauren “Pansy” Scott. “This has been a cursed event so far,” sabi niya sa Twitter.
Hinala ng mga fans na ang ugat ng kumakalat na sakit ay tubig mula sa gripo sa Istanbul, ngunit sinabi ni CoJo na Malabo itong mangyari. Nagpapadala ang Riot Games ng anim na bote ng tubig araw-araw sa kanialng mga kwarto at dalawang kaha naman sa practice room, kung kaya’t maaaring iba ang dahilan.
Maraming klase ng bacteria at virus ang maaaring magdulot ng foodborne illnesses, kabilang na ang Norovirus at Salmonella.
Ang mga matches sa Valorant Champions 2022 ay mapapanood nang live sa official Twitch at YouTube channels ng Valorant.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Ang kathang ito ay isang pagsasalin mula sa orihinal na akda.