Ilang tulog na lang at magsisimula na ang inaabangang VCT Stage 3 Masters Berlin. Sa international stage na ‘to, 15 na pinakamahuhusay na Valorant teams sa buong mundo ang inaasahang magpapakitang-gilas.
Tampok sa VCT Stage 3 Masters Berlin ang mga bagong koponan na magde-debut sa international stage. Nariyan din syempre ang kampeon ng VCT Stage 2 Masters Reykajik na Sentinels para depensahan ang kanilang titulo.
Bukod sa mga nabanggit na rason talaga namang dapat abangan, ito pa ang ilang matchups na hindi mo dapat palampasin sa group stage ng VCT Stage 3 Masters Berlin.
Must-watch group stage matches sa VCT Stage 3 Masters Berlin

Group A — Paper Rex vs Vision Strikers
Sa kabila ng nakapanlulumong balita tungkol sa pagkaka-udlot sa pagdalo ng Bren Esports sa nasabing turneo dahil sa ‘visa issues’, may isa pa ring koponan na dapat abangan ang mga taga-Southeast Asia at iyon ay ang Paper Rex.
Naselyo ng koponan mula Singapore ang unang tiket para sa rehiyon papuntang Berlin, Germany matapos ang kanilang tagumpay sa upper bracket final ng VCT SEA Stage 3 Challengers Playoffs.
Kaabang-abang din ang pagtatanghal ng duelist nilang si Jason “f0rsaken” Susanto na maaaring mapabilang sa usapan tungkol sa pinakamagaling na Jett sa buong mundo.
Sa kabilang banda, inaasahan din ang pamamayagpag ng Vision Strikers na kampeon ng VCT Korea Stage 3 Challengers Playoffs. Sa kabuuan ng kanilang kampanya sa nasabing qualifier para sa Masters Berlin, sa isang mapa lang sila natalo at iyon ay kontra F4Q noong best-of-five grand final.
Kapana-panabik ang pagtatanghal ng kinatawan ng Korea lalo na’t tampok sa nasabing koponan si Kim “Lakia” Jong-min na dating naglaro para sa NUTURN noong Masters Reykjavik.
Kung sakaling masilat ng pambato ng SEA ang powerhouse mula South Korea, magsisilbi itong patunay na maganda ang hinaharap ng rehiyon pagdating sa Valorant.
Group B — Vivo Keyd vs Team Envy
Vivo Keyd, o kilala rin bilang Keyd Stars, ay ang pambato ng Brazil para sa Masters Berlin.
Napatunayan nila ang kanilang tikas matapos ma-survive ang lower bracket ng VCT Brazil Stage 3 Challengers Playoffs. Sila rin ang responsable sa pagkaka-eliminate ng Sharks Esports, na naging kinatawan ng rehiyon noong VCT Stage 2 Masters Reykjavik, at Team Vikings.
Tinuldukan nila ang kanilang nakabibilib na kampanya matapos walisin ang FURIA Esports at Havan Liberty upang maselyo ang kampeonato.
Tanyag ang bansang Brazil dahil sa kanilang hilig sa mga FPS game. Dahil sa husay na pinakita ng Vivo Keyd patungo sa Masters Berlin, marahil ay hindi lang NA vs EU rivalry ang dapat tutukan ng fans.
Sa kabilang banda, ‘di rin maipagkakaila na nasa mga manlalaro na ng Team Envy ang mga sangkap para magtagumpay kontra international teams.
Ang koponang ito mula North America ay hinubog ng mga bigating rosters sa kanilang rehiyon. Tiyak din na dagdag-pwersa ang dala ng pinakabago nilang miyembro na si Jaccob “yay” Whiteaker, na inaasahang makikipagsabayan sa mga duelist ng VCT Stage 3 Masters Berlin.
Team Envy ang paboritong umabante mula sa kanilang grupo at ang maagang panalo kontra Vivo Keyd ay maaaring maging dagdag patunay na NA ang pinakamalakas na rehiyon sa Valorant. Hindi mo dapat mapalampas ang labang ito sa Group B.
Group D — Sentinels vs G2 Esports
Lahat ng atensyon ay nakatuon sa Sentinels dahil susubukan nilang patunayan kung kaya ba nilang manatili bilang ang best team sa buong mundo.
Hindi sila nagpakita ng kahinaan noong VCT NA Stage 3 Challengers Playoffs pero dapat abangan kung pareho ba ang kanilang magiging sitwasyon pagsabak nila sa ikalawa nilang international tournament.
Kung sakaling makpangibabawan nila ang G2 Esports, malaking hakbang na ito sa minimithi nilang back-to-back Masters champion.
Matagal nang iniintay ng fans ang international tournament debut ng G2 Esports simula pa noong unang ilabas ang Valorant. Kinikilala sila bilang isa sa mga pinakamalulupit na koponan sa buong mundo matapos nilang pagtagumpayan ang pitong sunod-sunod na Ignition Series.
Hindi mo ito dapat palampasin dahil kung makalusot ang G2 Esports kontra Sentinels sa simula ng bakbakan, marahil ay madungisan ang status ng koponan nina Tyson “TenZ” Ngo bilang best in the world.
Maaaring subaybayan ang group stage ng VCT Stage 3 Masters Berlin sa opisyal na YouTube at Twitch channels ng Valorant.
Ito ay pagsasalin sa Filipino mula sa orihinal na article sa matatagpuan dito.