Kinuha ng Sibol CrossFire national team ang medalyang pilak sa ginanap na torneo ng popular na first-person shooter (FPS) title sa ika-31 Southeast Asian Games nitong Linggo sa Hanoi, Vietnam.

Ito na ang ikatlong medalya ng Sibol, ang national esports team ng Pilipinas, sa SEA Games ngayong taon matapos masungkit ang mga gintong medalya sa League of Legends: Wild Rift women’s division at Mobile Legends: Bang Bang.

Ibinandera ang Sibol CrossFire ng Pacific Macta, na binubuo nila Dennis “ZDD” Ramos Jr., Aldrin “Aldrin” Borabon, John Kenneth “zYK” Alde, Matthew “EL1” Arnaez, Christian “Revenge” Amorea at Arthur Gabrielle “King” Tecson.


Ang kampanya ng Sibol CrossFire sa 31st SEA Games

Sibol CrossFire
Credit: SIBOL

Pasabog na sinimulan ng Sibol CrossFire ang kanilang kampanya sa 31st SEA Games nang walisin nila ang Indonesia sa unang round ng torneo sa iskor na 2-0 (10-5 sa Black Widow, 10-7 sa Ankara) upang agad na makasiguro ng bronze medal.

Natalo ang pambato ng Pilipinas sa kamay ng Vietnam sa upper bracket final, 0-2 (8-10 sa Black Widow, 5-10 sa Ankara), at nalaglag sa lower bracket final sa pagsasara ng kanilang kampanya sa unang araw. Nakatakda nilang harapin ulit ang Indonesia na tinalo ang Laos, 2-0, sa lower bracket round 1.

Malakas ang naging pagbawi ng mga Pinoy sa kanilang unang laban sa ikalawang araw para maiselyo ang gintong pilak kontra Indonesia. Nagpakitang-gilas si Arnaez sa 10-2 win sa unang mapa na Ankara habang nagpasiklab naman si Amores sa perpektong 10-0 panalo sa ikalawang mapa na Black Widow.

Mas pumalag naman sa barilan ang mga Indonesian sa ikatlong mapa na Compound pero nagawa pa rin nila kapitan Ramos at kanyang mga kasamahan na manaig sa iskor na 10-6.

Umabante sa gold medal match ang Sibol CrossFire at tinangkang makabawi sa Vietnam. Ngunit sadyang matitinik ang mga Vietnamese sa naturang FPS game at sinunggaban ang ginto matapos magtala ng 3-0 sweep (10-7 sa Port, 10-5 sa Compound, 10-5 sa Ankara).


Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istoryang tampok ang Sibol sa 31st SEA Games.