Muling ipinamalas ng Sibol MLBB ang natatanging lakas ng Pilipinas sa Southeast Asia matapos nilang dominahin ang karibal na Indonesia sa iskor na 3-1 sa rematch para sa gold medal ng Mobile Legends: Bang Bang event sa 31st SEA Games.

Pinatunayan ng Sibol MLBB, na kinakatawan ng M3 world champion Blacklist International, na mali ang prediksyong 10% ni Akosi Dogie at matagumpay nilang dinipensahan ang trono ng Pinas sa SEA Games na unang napalanunan ng mga star players noong 2019.

Ito rin ang ikalawang ginto ng Sibol national esports team sa 31st SEA Games, sunod sa ipinanalo ng League of Legends: Wild Rift women’s team na binubuo ng GrindSky Eris.

Bukod pa dyan, isa na naman itong kampeonato para sa mabangis na “V33Wise” duo na sila Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at Danerie James “Wise” Del Rosario, dagdag sa kanilang M3 at back-to-back MPL PH titles.


Pinaluhod ng Sibol MLBB ang star-studded squad ng Indonesia sa grand finals

Sibol MLBB
Credit: SEA Games

Liyamadong-liyamado ang Sibol MLBB sa Turtle at Lord objectives maging sa map control sa Game 1 dahil sa kanilang pulidong positioning at tinangka nilang tapusin ang laro sa 23rd minute ngunit matibay na depensa ang ginawa ng Masha ni Rivaldi “R7” Fatah para mailigtas ang Base ng Indonesia.

Pero nanatiling kalmado ang koponan ni kapitan OhMyV33nus at matapos ang palyadong initiation ng Indonesia sa isang Lord dance, pinulbos ni Lee Howard “Owl” Gonzales sa Wanwan ang tatlo sa isang team wipe para ilista ang 17-8 panalo sa loob ng 29 minuto.

Sumandal ang Indonesia sa pamatay na Xavier-Franco combo sa kamay nila Gilang “SANZ” at Calvin “VYN” upang dominahin ang Game 2 at itabla ang championship series. Pumukol si SANZ ng perpektong 4/0/10 KDA upang pagbidahan ang 18-10 18-minute win.

Nakaamba nang kuhanin ng Indonesia ang Game 3 pero pinarusahan nila Salic “Hadji” Imam (Xavier) at Kyle “Dominic” Soto (Esmeralda) ang pag-aasim ng mga kalaban sa kanilang Base sa 19th minute. Bagamat nanakaw pa ni Albert “Alberttt” Iskandar (Baxia) ang Evolved Lord, masyado nang malakas ang damage ng Sibol at isa-isa nilang binura ang Indonesia para ipako ang malupit na 24-minute comeback at gold medal point.

Itinanghal na MVP ng laro ang Xavier ni Imam matapos magtala ng 6/1/14 KDA (83% kill participation) at magbitaw ng mga on-point na Dawning Light na palaging tumatama sa mga kalaban na core heroes.

Credit: Moonton/SEA Games

Tuluyang sinelyo ng Sibol MLBB ang kampeonato sa Game 4 nang kumamada ng triple kill ang Beatrix ni Gonzales gamit ang Nibiru’s Passion at pulbusin ng pambato ng Pinas ang Indonesia sa isang team fight sa mid lane.

Walang patumpik-tumpik na rumekta ang mga Pinoy patungo sa Base ng kalaban at habang tinatangke ni Wise (Akai) ang tower shots ay nag-tower lock naman ang kanyang mga kakampi upang isara ang laro sa loob lamang ng 10 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Na-sweep ng Sibol MLBB ang lahat ng kanilang serye at dalawang laro lang ang hindi naipanalo sa buong kampanya sa 31st SEA Games. Winalis nila ang Group B para sa 6-0 kartada bago i-reverse sweep ang matinik na Singapore, 2-1, sa semifinals.

Parte rin ng Sibol MLBB sila head coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza, assistant coach Aniel “Master The Basics” Jiandani, Dexter “DEX STAR” Alaba (analyst) at Russel “Eyonz” Usi (support-mage).

Sa ikalawang sunod na pagkakataon, nakuha ng Indonesia ang silver medal habang ang Singapore naman ang pumitas sa bronze.


Para sa mga artikulo patungkol sa Sibol at MLBB, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.