Nilinaw ng Mobile Legends: Bang Bang personality at Nexplay EVOS head coach na si Naser “Akosi Dogie” Ignacio Mollazehi ang kanyang pahayag tungkol sa 10% na tsansa ng Blacklist International na magkampeon sa 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam.

Sa isa sa kanyang mga nakaraang YouTube videos, matapang na inihayag ni Dogie na mababa ang tsansa ng SIBOL MLBB team, na binubuo ng Blacklist, na manalo kapag nakatapat nila ang Indonesia.

Akosi Dogie pinaliwanag ang pahayag patungkol sa 10% tsansa ng Blacklist International

Dogie MPL PH Season 9
Screenshot by Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Sa isang eksklusibong panayam ng ONE Esports, hinimay ni Nexplay EVOS head coach ang mga dahilan kung bakit niya nasabi ang kanyang 90%-10% na prediksyon kontra sa Blacklist.

Ayon kay Dogie, ang pangunahing dahilan kung bakit dehado ang Blacklist kontra Indonesia ay ang lineup ng kalabang bansa. “I was expecting that team selection din ang magaganap sa Indo, not expecting an all-star lineup,” sabi niya.

Pangalawang dahilan ay ang pagkawala nina Edward “EDWARD” Dapadap at Kiel “OHEB” Soriano. Sa kasamaang palad ay hindi nakapaglaro ang dalawang 17-anyos na pro players sa 31st SEA Games dahil sa age restriction na 18 pataas.

“EDWARD and OHEB, proven and tested na but the age is the hindrance,” sabi ni Dogie. “ Malakas ang pumalit sa kanila pero the experience is not there.”

31st SEA Games SIBOL Blacklist International
Credit: SEA Games

Ikatlo sa mga dahilan ay ang meta na nilikha ni Danerie “Wise” Del Rosario, na sa opinyon ni Dogie, ay nagsisilbing parehong lakas at kahinaan ng team.

“Wise single handedly made a meta that all countries followed and did the same. So for Blacklist, paano nila babasagin ang sarili nilang multo?”

Muling tinanong ng ONE Esports ang MLBB personality kung hindi pa rin nagbabago ang kanyang palagay matapos mapanood ang magandang performance ng SIBOL, na nakatakdang lumaban para sa gintong medalya, sa SEA Games.

“Yeah, 10% pa rin.”

Lalabanan ng SIBOL ang Indonesia para sa gintong medalya ngayong umaga, May 20.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.