Pasabog ang isinalang na atake ng Nexplay EVOS bilang panapos sa kanilang MPL Philippines Season 9 regular season kampanya ng patumbahin nila ang ECHO, 2-0, para mapatibay ang kanilang 4th place sa standings at pigilan ang ‘Super Team’ na maabot ang inaasam na 2nd seed.

Tampok sa pagwawalis ng NXPE ang pagkamada ni Rainiel “URESHIII” Logronio sa EXP lane hawak ang kaniyang Esmeralda sa Game 1 at Dyroth naman sa Game 2 na nakaselyo pa nga ng mailap na Maniac para biguin ang koponan ni Tristan “Yawi” Cabrera.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Karugtong nito, hindi itinago ng NXPE coach na si Setsuna “Dogie” Ignancio kung paano nila nagawang harapin ang matinding katunggali, kasabay ng paglalarawan sa mentalidad ng koponan bago magsimula ang bakbakan.


Dogie: ‘Naging egoistic sila sa hero pool ni Karl’

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

May anghang ang binitawang salita ng dating team manager at ngayon ay coach ng Neplay EVOS sa post-match interview kung saan inilarawan niya ang naging stratehiya ng koponan sa drafting.

Ayon kay Dogie, itinuon daw nila ang kanilang atake sa hero pool ng ECHO jungler na si Karl “KarlTzy” Nepomuceno sa parehong laro. “So sa game 1 kasi kung titignan naten, ang hero pool ni Karl is Aulus, Paquito pati Lance. Hindi siya nagli-Ling. Lahat ng Ling game niya is hindi talaga maganda. Tapos yun yung napag-isipan namin. Barats if magpa-Paquito siya. So at that point, Helcurt na lang ang ginamit niya.”

Dahil inipit niya at ng kaniyang coaching duo na si Coach John “Zico_” Dizon ang comfort picks ng batikang jungler, napuwersa ang ECHO sa pagpili ng tempo-based hero. Paliwanag pa ni Dogie, “Alam niya nung magba-Barats kami. Alam niya na ‘pag nag-Paquito siya, may pang-counter kami so nag-Helcurt siya. Pero ang problema kasi sa Helcurt malakas lang siya sa early. Yung kaya niya talagang pumitas sa early, at that point.”

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Sa panig naman daw nila, prayoridad nilang bigyan ng comfort heroes si URESHIII, ang kaniyang kapitan na si Jeniel “YellyHaze” Bata-anon, at ang gold laner na si Marius “Donut” Tan. Sa kabilang banda, ibinase lamang daw nila ang picks para kina Kenneth “CADENZA” Castro at Michael “MP the King” Endino sa midlane matchups.

Naisalang ang Helcurt para kay KarlTzy sa dalawang laro ngunit hindi ito umubra sa harap ng Barats ni MP The King, Franco ni CADENZA at Xavier midlane ni YellyHaze. Kombinasyon ng sustain, initiation at long range damage ang ibinigay ng komposisyon ng Nexplay na nagbigay sa kanila ng abante sa teamfights sa madikit na Game 1.

Dagdag pa ni Dogie, “Sa Game 2, basically ganoon din yung strategy namen. Nag-usap kami ni URESHII. So props doon kay URESHII. Sabi niya, Boss D, kunin kaya natin yung Dyroth na binan naten noon, kunin naten ngayon. Tayo second pick. Kala namen i-fifirst pick nila ‘yon.”

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Hindi naman binigo ng NXPE EXP laner ang kaniyang coach ng nagningas ang kaniyang Dyroth na pumunit sa mga miyembro ng ECHO at itala ang Maniac para isarado ang kanilang season.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Hindi lamang ang pagkuha ng ECHO ng 2nd seed ang pinurnada ng Nexplay EVOS. Papasok ang tinaguriang Super Team sa MPL PH Season 9 playoffs na may 3 game losing streak na malaking kaibahan sa kanilang nagbabagang simula kung saan nanalo sila ng 5 magkakasunod na matches.

Nasagot na ba ni Dogie at ng NXPE ang atake ng ECHO? Magkomento sa aming posts sa Facebook!

BASAHIN: Coach Duckey nanghingi ng paumanhin sa BREN fans: ‘We will take these losses to heart’