Noon pa man ay iniidolo na ni RSG PH jungler Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto si Blacklist International star Danerie James “Wise” Del Rosario. At sa gumugulong na MPL Philippines Season 9, inilahad ni Demonkite na humugot siya ng inspirasyon mula kay Wise sa paggamit niya ng Karina.

Ito ang inamin ng MPL PH Season 8 Best Rookie mula sa RSG matapos nilang bawian ng 2-0 sweep ang TNC Pro Team sa Week 7 Day 1 ng liga kung saan nilaro niya ang matinik na jungle hero sa dalawang laro.


Demonkite humugot ng inspirasyon mula kay Wise sa paggamit ng Karina

Credit: MPL Philippines

Pagkatapos ng kanilang panalo kontra TNC, ginawa ni Demonkite ang signature pose ni Wise na pag-muwestra ng letrang “W” dahil na-inspire umano siya ng world champion jungler pagdating sa paglalaro ng Karina.

“Kasi sa Karina po noong SIBOL, na-inspire po ako sa Karina niya na parang mas gamitin pa nang gamitin ‘tska gayahin ‘yung mga techniques niya sa Karina.”

Tinutukoy ni Demonkite ang pagbida ng Karina ni Wise sa matagumpay na kampanya ng Blacklist International sa SIBOL 2022 MLBB National Team Selection para sa darating na 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.

Sa kanilang muling pagharap laban sa TNC, sinigurado ng 19-year-old player mula sa Mandaluyong na maseselyo ng RSG ang mga objectives upang malinis na maisara ng Raiders ang parehong laro.

Nagtala si Demonkite ng 2-1-3 KDA sa Game 1 na tumagal lang ng 13 minuto at naglista naman siya ng perpektong 5-0-3 KDA sa mas maiksi pang Game 2 na natapos sa loob lamang ng 12 minuto.

Bukod sa na-inspire siya ng nagpapahingang Blacklist ace jungler sa paggamit ng Karina, nabanggit din ni Demonkite ang wise words mula kay Wise na tumatak sa kanya.

“‘Yung sabi niya na be humble lang po kasi ‘di mo naman kailangan magmayabang palagi. Pakita mo lang ‘yung galaw mo ayun na ‘yung magsasalita para sa’yo.”


Dahil sa 2-0 panalo ng RSG laban sa TNC, umangat ang kanilang puntos sa 24 at maaari nilang maungusan ang ECHO kung mawawalis din nila ang tinaguriang “super team” bukas sa ganap na ika-6 ng gabi.

Sundan ang mga kaganapan sa MPL PH Season 9 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.