Isa si rookie jungler John Cedrix “Demonkite” Caranto sa mga dahilan kung bakit nakikitang malakas na contender ngayon ang RSG Philippines sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8.

Bagito pa lamang si Demonkite pero gumagawa na agad siya ng pangalan sa pinakamalaking liga ng Mobile Legends sa bansa.

Dalawang magkasunod na linggong nasa tuktok ng KDA (kill/assist-death ratio) maging ng kills ranking ang 18-year-old pride ng Mandaluyong.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

At nito lamang Sabado ng gabi, umariba ang kanyang X.Borg sa Game 2 ng kanilang 2-1 panalo kontra sa Echo Philippines.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

“Proud na proud ako sa sarili ko. Pero siyempre parang nagda-doubt pa rin ako kasi ‘di pa rin ako ‘yung ‘the best’. Ine-aim ko talaga maging ganun,” sabi ni Demonkite sa post-match interview.


Demonkite ikinumpara ang sarili kay Wise

Nang tanungin naman kung kanino niya maaaring ihambing ang kanyang sarili sa mga beterano na sa MPL, agad itong sinagot ni Demonkite: “Siyempre ‘yung idol kong si Wise.”

Dagdag pa niya, nais niyang maging “best core” katulad ng tinitingala niyang star jungler ng defending champion at undefeated team na Blacklist International.

Sinegundahan naman ni RSG gold laner Christian “Iy4knu” Manaog ang pagkumpara ni Demonkite sa kanyang sarili kay Wise. Sinabi niyang pareho silang magaling sa kanilang role.

Matatandaang naging magkasangga rin sila Iy4knu at Wise noong naglalaro pa sila para sa Onic Philippines.


Tutukan ang mga kaganapan sa MPL PH Season 8 sa pamamagitan ng pag-follow sa ONE Esports Philippines Facebook page. Pwede niyong mapanood ang mga laban sa Facebook at YouTube channel ng liga.