Pinaluhod ng Blacklist International ang RRQ Hoshi sa likod ng malahalimaw na performance ni Kiel “OHEB” Soriano sa kanilang semifinals do-or-die game para makaarangkada sa Grand Finals ng ONE Esports MPL Invitational 2021 (MPLI 2021).

Kagaya ng sinabi ni Blacklist head coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza, kailanman ay hindi binigo ni Oheb ang kanyang koponan at dinala ito sa best-of-five finale ng torneo gamit ang Clint.


Blacklist nakauna, RRQ bumawi

Credit: ONE Esports

Maingat ang dalawang koponan sa pagsisimula ng serye at nakuntento sa pagkuha ng objectives at pag-farm ng kani-kanilang items. Pero unti-unting lumamang ang Blacklist International dahil matapos magwagi sa mga maliliit na team fight.

Tuluyang tinapos ng back-to-back MPL Philippines champion ang Game 1 nang ma-solo kill ni Edward “EDWARD” Dapadap sa kanyang signature Paquito ang Lancelot ni Albert Neilsen “Alberttt” Iskandar sa 16-minute mark bago nila kuhain ang ikalawang Luminous Lord para sa death push.

Tinanghal na MVP ng laro si EDWARD matapos magtala ng perpektong 3-0-9 KDA sa dominanteng 14-4 panalo at magpakawala ng pinakamataas na damage na umabot sa mahigit 72K sa loob ng 17 minuto.

Pero hindi basta-basta nagpatinag ang “King of Kings” ng Indonesia. Tinabla nila ang serye sa pamamagitan ng kanilang double marksman setup at pinawalang-bisa ang Wise ni Danerie James “Wise” Del Rosario sa Game 2.

Isa-isang pinunit ng Yi Sun-Shin ni Alberttt at Bruno ni Schevenko David “Skylar” Tendean ang mga miyembro ng Blacklist habang nagbigay naman ng matinding crowd control ang Yve ni Firm Priest “Psychooo” Firdaus.

Sinelyo ng MPL Indonesia Season 8 runner-up ang one-sided 14-2 win sa loob lamang ng 13 minuto sa pangunguna ng YSS ni Alberttt.


Clint ni OHEB binuhat ang Blacklist International tungo sa MPLI 2021 Grand Finals

Clint ni OHEB
Credit: Blacklist International, Moonton

Umariba agad ang Blacklist International sa Game 3 salamat sa Bane ni Wise at Rafaela ni kapitan Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna.

Ngunit unti-unting binura ng RRQ Hoshi ang kalamangan ng Blacklist matapos manaig sa mga team fight dahil sa pagsasanib-puwersa ng Pharsa ni Psychooo at YSS ni Alberttt.

Napipisil nang mailista ng RRQ ang isang upset victory pero hindi ito pinayaga ni Oheb sa kanyang Clint. Matapos ang malupit na call ni OhMyV33nus na sneaky Lord take sa bandang 22 minute-mark, mabilis na tinunaw ni Oheb si Alberttt na mapangahas na nag-face check at sunod na pinuntirya si Psychooo.

Binura ng V33Wise tandem ang mga natitirang miyembro ng RRQ para maipako ang serye sa pamamagitan ng isang team wipe.

‘Di na nakakagulat na si Oheb ang pinangalanang MVP ng Game 3 matapos tumikada ng 9-0-4 KDA at mahigit 111K damage.


Makakalaban nila Oheb at Blacklist International ang mananalo sa pagitan ng Indonesian powerhouse teams na Onic Esports at Alter Ego sa kabilang semifinal pairing.

Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast MPLI 2021 Grand Finals sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.