Buo ang loob ng Blacklist International head coach na si Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza na ipapakita ni Kiel “OHEB” Soriano ang kaniyang husay sa inaatabayanang bakbakan kontra RRQ Hoshi sa semifinals ng MPL Invitational 2021.

Kaalinsunod ito ng mga komento ni OHEB sa isang post-game interview, kung saan mistulang pinasaringan ng superstar gold laner ang Indonesian team bago pa man magsimula ang BLCK vs RRQ tapatan.


OHEB gigil na magsimula ang BLCK vs RRQ Semifinals matchup

Credit: MPL Philippines

Matapos pauwiin ang Bigetron Alpha sa quarterfinals, nagpakita ang “The Prince” ng kaunting gigil ng sinabi niyang “We are excited to face RRQ because they said they are 100% sure that they’re the strongest in MPLI.”

Credit: ONE Esports Philippines

Ani naman ng Blacklist Coach, makadadagdag lang daw ito sa kumpiyansa ng kaniyang kupunan pagputok ng BLCK vs RRQ matchup. “Never kami binigo ni OHEB. Basta sinabi nya gagawin nya,” banggit ng beterano.

Gayunpaman, inamin ng coach na hindi magiging madali ang sagupaang ito para sa kay OHEB at sa iba pang miyembro ng Blacklist. Sa katunayan, pakiramdam daw niya ay magiging madikit ang laban dahil sa desimuladong galaw ng RRQ.


Matatandaang malinis na trinabaho ng 1st placers ng MPL ID Season 8 ang kanilang mga katunggali sa tinaguriang “Bracket of Death”.

Sa Day 1 ng group stages, nilaos nila ang kanilang Indonesian karibal na EVOS Legends sa 2-0 sweep para umangat sa 2nd round, kung saan pinataob naman nila ang ONIC Philippines sa parehong pamamaraan.

Sa quarterfinals naman, parehong bagsik ang ipinamalas ng kupunan para iligpit ang Team SMG.

Credit: ONE Esports/ Screenshot ni Calvin Trilles

Ngayong gugulong na ang banggang BLCK vs RRQ, batid ni Coach BON CHAN na lahat ng mga mata ay nakatutok sa respondeng gagawin ni OHEB at ng kaniyang kupunan sa semifinals.

Bagamat may bigat na dala ang pagiging bukod-tanging Pinoy team sa Semifinal round, positibo ang pananaw ng COACH sa magiging resulta sa kapanapanabik na dwelo.

Hiling lang niya, “Sana ay makaabot tayo hanggang finals para masaya tayong lahat na Pinoy.”

Antabayanan ang mga kaganapan sa bakbakang BLCK vs RRQ sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Facebook ng ONE Esports Philippines.