Pinulbos ng young guns ng OG ang mga beterano ng Team Secret sa pamamagitan ng mabilis na 2-0 sweep sa kanilang bakbakan sa Dota Pro Circuit (DPC) 2021-2022 Tour 1 Western Europe Division 1.
Kitang-kita ang gigil ng batang OG offlaner na si Ammar “AMMAR_THE_F” Al-Assaf (kilala rin bilang ATF) sa serye kung saan bumida ang kanyang Timbersaw na naka-Manta Style sa Game 1.
Kaya naman pala ganado si ATF ay dahil may nais siyang patunayan kay Team Secret captain-hard support Clement “Puppey” Ivanov sa serye na ito.
ATF may patutsada kay Puppey: ‘Stop talk(ing)‘

Sa post-match interview matapos ang kanilang madaling panalo, sinabi ni ATF na kaya siya gigil manalo laban sa Team Secret ay dahil sa pangta-trashtalk sa kanya ni Puppey sa mga ranked match.
“I just want to win (against) this Puppey guy. He trashtalked me so much. I want to win (against) him and tell him: ‘Hello, I won an official (match against you so) stop talk(ing).'”
Dagdag pa ng 16-year-old Jordanian pro, tinawag ni Puppey na “idiot” ang kanyang kakampi na si midlaner Bozhidar “bzm” Bogdanov.
Kaya naman nagpakitang-gilas si ATF sa debut ng bagong Dota 2 roster ng OG sa DPC season at dinurog si Puppey kasama ang Secret.
Bakit bumuo ng Manta Style si ATF kay Timbersaw?

Sinorpresa ni ATF ang mga manonood maging ang analyst na si Andrew “Jenkins” Jenkins nang mag-build siya ng unorthodox na Manta Style para sa kanyang Timbersaw sa Game 1 ng serye.
Nakagawa pa nga siya ng record bilang pinakamabilis na Timbersaw player na nag-build ng Manta Style sa pinakabagong Dota 2 patch na naitala niya sa loob ng 26 minuto at 15 segundo.
Pero bakit nga ba ito ginawa ni ATF?
Ginamit niya ang Manta Style para madaling tanggalin ang Phantom’s Embrace mula sa Grimstroke ni Team Secret star midlaner Sumail “SumaiL” Hassan.
Pero ang talagang pinakalayunin ni ATF sa pagbuo nito ay para mapawalang-bisa ang Soul Bind ultimate ng Grimstroke. Kapag ginamit sa kanya ang Soul Bind, pinipindot niya ang kanyang Manta para kumapit lang ito sa illusion at maiwasan na ma-burst o mabawasan nang malaki ang sinuman sa kanyang mga kakampi.
Dahil dito, ‘di nag-aalangan ang OG na sugurin ang Secret at isa-isa silang patumbahin.
Tinapos ni ATF ang laro na may 13 kills at 18 assists kontra sa isang death lamang para pangunahan ang 38-9 demolisyon ng OG laban sa Secret sa loob ng 45 minuto.
Pagdating ng Game 2, ang 20-year-old carry naman nila na si Artem “Yuragi” Golubiev ang bumida gamit ang kanyang Templar Assassin na pumukol ng 20 kills at nine assists, at hindi rin namatay sa loob ng 36 minuto.
Sunod na kakalabanin nila ATF at OG ang Team Liquid sa ika-walo ng Disyembre, ala-una ng umaga (PH time). Susubukan naman ng Team Secret na makabawi kontra Alliance sa ika-5 ng Disyembre sa parehong oras.
Mapapanood ang mga laban sa opisyal na Twitch channel ng DreamLeague. Hinahatid naman ng LuponWXC ang opisyal na Filipino broadcast ng liga sa Facebook page nito.