Bumuo ang OG ng panibagong Dota 2 roster para sa darating na DPC 2021-2022 season at tampok dito ang dalawang prodigy na sila Ammar “ATF” Al-Assaf at Bozhidar “bzm” Bogdanov.

Ginawa ito ng OG matapos ang anunsyo ni Sébastien “Ceb” Debs ng kanyang retirement at pagpapahinga nila Johan “N0tail” Sundstein at Topias “Miikka “Topson” Taavitsainen mula sa competitive scene.

Nauna nang lumisan sa two-time The International winning team sila Sumail “SumaiL” Hassan at Martin “Saksa” Sazdov para maghanap ng oportunidad sa ibang organisasyon. Lumipat si SumaiL sa Team Secret habang wala pang balita tungkol sa susunod na hakbang ni Saksa.


Inilahad ang bagong Dota 2 roster ng OG

Credit: OG

Ang 16-year-old pro na si ATF ang magsisilbing offlaner ng bagong Dota 2 roster ng OG. Pumasok ang Jordanian prodigy sa Dota 2 pro scene ngayong taon at naglaro para sa Creepwave at Chicken Fighters. Ang pinakabago niyang tagumpay ay ang pagkapanalo sa tier 3 tournament na Dota 2 Champions League 2021 Season 4 kasama ang Creepwave.

Ibinihagi ni former OG captain N0tail ang kanyang saloobin sa kanilang bagong offlaner. Wika niya, “We see Ammar in pubs all the time. Crazy kid. Very skillful. With a little guidance, I think he is going to be fantastic. I mean, he already is. But he will be even better! Is going to be fun watching him own safelaners.”

Samantala, isa pang 16-year-old player na si bzm ang bibidang midlaner ng bagong Dota 2 roster ng OG. Kasamang nagkampeon ng Bulgarian star si ATF sa Dota 2 Champions League 2021 Season 4 at inirekomenda siya nito.

Sinabi ni Topson ang kanyang pananaw sa mga bagong player ng koponan, partikular na sa tagapagmana ng kanyan posisyon sa mid lane. Ani niya, “The younger the better. Beziem is really impressive. I got to see him last year with Creepwave and in pubs. And I think ATF is really good as well. I really like both. Young and motivated. Open to new ideas.”

Topson ibinahagi ang pananaw sa bagong Dota 2 roster ng OG
Credit: OG

Ang huling core player ng bagong Dota 2 roster ng OG ay si Artem “Yuragi” Golubiev. Sinimulan ng 20-year-old Ukranian pro ang kanyang Dota 2 career noong 2020 at ito ang pinakamalaking oportunidad na dumating sa kanya.

Naniniwala si OG CEO Juan M.R. Luna na ang versatility ni Yuragi ang pinakamalaking bentahe niya bilang carry. Sabi niya, “For this position, we wanted someone who had the versatility to play many of the heroes, and the drive to learn how to play them perfectly. We believe that we are going to have a lot of this CIS magic in the safe lane.”

Ang mga beteranong manlalaro na sila Tommy “Taiga” Le at Mikhail “Misha” Agatov ang magsisilbing support duo ng bagong Dota 2 roster ng OG. Si Misha, na nagtrabaho bilang coach ng OG sa TI10 kung saan nagtapos sila sa Top 8, ang tatayong kapitan ng koponan. Ang dalawang support ay may pinagsamang 10 taon ng karanasan sa professional Dota 2 at inaasahan na gagabayan nila sila ATF, bzm at Yuragi.

Bagong Dota 2 roster ng OG para sa DPC 2021-22

1 – Artem “Yuragi” Golubiev

2 – Bozhidar “bzm” Bogdanov (Biziem)

3 – Ammar “ATF” Al-Assaf (Ammar The F)

4 – Tommy “Taiga” Le

5 – Mikhail “Misha” Agatov


Ang bagong Dota 2 roster ng OG ang pinakabatang koponan na kasali sa DPC Western Europe Division 1

Credit: LuponWXC

Papalapit na ang unang tour ng DPC 2021-2022 at handa nang magpasiklab ang walong koponan na kasali sa Western Europe Division 1.

Sa kasaling teams, ang OG ang pinakabata sa lahat. Mayroon silang average age na 19.8 years old at mas bata sila nang mahigit tatlong taon sa pinakamalapit nilang competitor na Team Tickles.

TEAM NAMEAVERAGE AGE
OG19.8
Team Tickles23
Alliance23.4
Team Liquid24.4
Tundra Esports24.8
COOL GUYS25.2
Nigma Galaxy25.4
Team Secret26.4

Magsisimula ang DPC 2021-2022 Tour 1 Western Europe Division 1 sa ika-30 ng Nobyembre at tatakbo ito hanggang ika-22 ng Enero, 2022. May nakataya ditong apat na tiket papunta sa unang Major ng panibagong season kasama ang prize pool na US$205,000 (higit PHP10 milyon).

Paniguradong lahat ng mata ay nakatutok sa 16-year-old pros na sila ATF at bzm. Makikita ang kabuuan ng anunsyo tungkol sa bagong Dota 2 roster ng OG sa kanilang website.

Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng DPC Tour 1 WEU Division 1 sa Facebook, YouTube at Twitch channel ng LuponWXC.