Handang-handa na ang Team Secret na pagharian ulit ang Western Europe sa darating na Dota Pro Circuit (DPC) 2021/22 season matapos idagdag ang mga star player na sila Sumail “SumaiL” Hassan at Daryl “iceiceice” Koh Pei Xiang sa kanilang powerhouse lineup.

Inilahad ng Team Secret ang pag-recruit kila SumaiL at iceiceice sa pamamagitan ng kanilang comic series na sinundan ng mga opisyal na anunsyo sa kanilang social media pages nitong Huwebes.

Nagkaroon ng dalawang bakante sa roster ng The International 10 third-place finisher nang magpasyang umalis sila Ludwig “zai” Wåhlberg at Lasse “MATUMBAMAN” Urpalainen na parehong lumipat sa Team Liquid.


SumaiL magbabalik sa mid lane

Credit: OG

Ika nga ng Dota 2 fans, “The King is back” sa mid lane! Magpapakitang-gilas muli si SumaiL bilang midlaner, ang role kung saan siya sumikat at nanalo ng Aegis of Champions sa The International 2015 (TI5) kasama ang Evil Geniuses.

Bago mapunta sa Team Secret, bumida bilang carry ang Pakistani-American pro para sa OG. Nagpasyang umalis ang all-time youngest TI winner para maghanap ng oportunidad sa ibang organisasyon matapos basagin ng eventual TI10 champion na Team Spirit ang three-peat dream ng OG.

Nabakante ang position-2 sa Secret nang magdesisyon si Michał “Nisha” Jankowski na bumalik sa kanyang dating role bilang carry.

Mananatili naman ang beteranong Singaporean na si iceiceice sa offlane habang magkasama pa rin bilang support duo sila kapitan Clement “Puppey” Ivanov at Yazied “YapzOr” Jaradat.

Team Secret kumpleto na matapos kuhain sila SumaiL at iceiceice
Credit: Team Secret

Kumpletong roster ng Team Secret para sa DPC 2021/22 season

1 – Michał “Nisha” Jankowski

2 – Syed Sumail “SumaiL” Hassan

3 – Daryl “iceiceice” Koh Pei Xiang

4 – Yazied “YapzOr” Jaradat

5 – Clement “Puppey” Ivanov


Team Secret kumpleto na at handa nang sumabak sa DPC 2021/22

Credit: KuyaNic Facebook page

Makikipagbakbakan ang bagong lineup ng Team Secret sa DPC 2021/22 Tour 1 Western Europe Division 1 (Upper Division) kung saan nakataya ang mga tiket papunta sa unang Major ng panibagong season kasama ang prize pool na US$205,000 (higit PHP10 milyon).

Makakasagupa nila Puppey at kanyang kasamahan ang OG, Nigma Galaxy, Team Liquid, Alliance, Tundra Esports, Team Tickles (dating Vikin.gg) at COOLGUYS. Idaraos ang Tour I WEU Division 1 mula ika-30 ng Nobyembre, 2021 hanggang ika-22 ng Enero, 2022.

Maaalalang pinagharian ng Team Secret ang Western Europe noong DPC Season 1 ng 2021 bago magtapos sa ikaapat na pwesto sa sumunod na season. Masusungkit kaya ulit nila ang trono sa tinitingalang rehiyon?

Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng DPC Tour 1 WEU Division 1 sa Facebook, YouTube at Twitch channel ng LuponWXC.