Inanunsyo ng Malaysia-based esports organization na Team SMG ang kanilang bagong roster para sa Dota Pro Circuit 2021-2022 at tampok dito si Ryan Jay “Raging Potato” Qui.

Pupunan ng tanyag na Pinoy player ang offlane role para sa koponan. Matagal-tagal na rin noong huling beses na naging parte si Raging Potato ng isang organisasyon, bagamat may panakanakang pagkakataon kung kailan gumaganap siya bilang stand-in, gaya noong sa Execration at OB.Neon.

Balik pro Dota 2 si Raging Potato matapos ang mahaba-habang pahinga

Raging Potato balik pro Dota 2 na
Credit: PGL

Isa si Raging Potato sa mga pinakatanyag na Filipino esports athlete. Kabilang ang manlalarong kilala rin sa pangalang Bimbo sa mga international Dota 2 tournaments kasama ang Mineski Dota.

Naka-attend siya sa Frankfurt Major at Manila Major, pati na rin sa ilang The International. Tanda rin ng pagiging beterano niya ang kakayahan niyang maglaro sa iba’t-ibang role. Sa haba kasi ng kanyang karera bilang professional Dota 2 player, halos naikot na niya ang mga role, bago pa punan ngayon ang offlane para sa Team SMG.

Sa announcement video ng Team SMG, ipinakilala rin si Raging Potato bilang ang “The Most Explosive player” at “One True Bomb”. Ilan kasi ito sa mga ipinangalan ng tanyag na Filipino casters na sina Marlon “Lon” Marcelo at yumaong Aldrin “Dunoo” Pangan sa nasabing manlalaro dahil sa tapang nitong pumasok sa mga kalaban para makakuha ng impormasyon.


Dota 2 roster ng Team SMG para sa DPC 2021-2022

Credit: Team SMG
  • Yeik “MidOne” Nai Zheng
  • Kam “Moon” Boon Seng
  • Ryan “Raging Potato” Jay Qui
  • Tue “ah fu” Soon Chuan
  • Roger “Roddgeee” Tan Boon Thye

Tatampok ang “The Most Explosive Player” at Team SMG sa Division I ng Dota Pro Circuit Southeast Asia League, na nakatakdang magsimula sa ika-29 ng Nobyembre.

BASAHIN: Dota 2 team ng Omega Esports banned na dahil sa matchfixing