Pinaluhod ng BOOM Esports ang kanilang karibal na Fnatic sa pamamagitan ng 2-0 sweep nitong Sabado ng gabi upang iselyo ang unang puwesto ng Southeast Asia sa PGL Arlington Major 2022.

Lumapit din ang Indonesia-based squad na binubuo ng tatlong Pinoy stars sa pagbawi ng kanilang trono sa rehiyon matapos isara ang kanilang kampanya sa Dota Pro Circuit (DPC) SEA Tour 3 Division 1 nang may 6-1 kartada.


Ibinahagi ni Coach Mushi ang mentality ng BOOM Esports sa napakahalagang laban kontra Fnatic

Credit: BOOM Esports

Sa post-match interview, sinabi ni BOOM Esports coach at retiradong legendary Dota 2 player na si Chai “Mushi” Yee Fung na masaya ang lahat sa kanilang pag-qualify sa Arlington Major, lalo pa’t nagmula sila sa mapait na 9th-12th finish sa ESL One Stockholm Major.

“I guess everyone feels very great. After we’ve been down (in terms of) performance for so long, everything went so smooth for us right now,” saad ni Mushi matapos sundan ng BOOM ang Stockholm Major champion na OG at isa pang Western European squad na Tundra Esports sa mga koponang pasok na sa Arlington Major.

BOOM Esports
Credit: BOOM Esports

At dahil nakataya sa pinakabagong bakbakan ng BOOM at Fnatic ang una sa tatlong tiket ng SEA patungo sa ikalawa at huling Dota 2 Major ng taon, pinayuhan ni Mushi ang kanyang players na tumutok lang sa laro at huwag intindihin ang pressure sa napakahalagang serye.

“Actually, I told my team that we just focus on the game, just focus with our way,” wika niya.

Ayon pa kay Mushi, bilang coach ay mas pinagtuunan niya rin ng pansin ang paghahanda sa kanyang koponan kaysa bumuo ng partikular na stratehiya laban sa Fnatic.

“I’m putting more focus on our team. We had enough time to prepare our draft, our playstyle. We had time to prepare something for ourselves against Fnatic.”


Post-match interview kay Mushi


Ngayong sigurado na ang kanilang spot sa Arlington Major, ang susunod namang hamon para sa BOOM Esports ay ang ma-secure ang kanilang US visa. Gaganapin kasi ang nasabing torneo sa Texas, USA mula ika-4 hanggang ika-14 ng Agosto.

Paghahandaan din umano nila Mushi at kanyang mga bataan ang posibleng tiebreaker match kontra sa Talon Esports para sa titulo sa DPC SEA Tour 3 Division 1 na may gantimpalang 500 DPC points at $30,000 o higit P1.6 milyon.

Sakaling talunin nila Nuengnara “23savage” Teeramahanon at Talon ang RSG sa huling serye ng liga sa ika-14 ng Hulyo, magkakaroon ng tiebreaker sa pagitan nila at ng BOOM, na ayon kay Mushi ay gigil na bumawi sa natatanging koponan na tumalo sa kanila sa Tour 3.

Credit: Talon Esports

Samantala, ang dalawang natitirang slot ng SEA sa Arlington Major ay pagtatalunan pa ng Talon (5-1), Fnatic (4-2), RSG (4-2) at T1 (3-3).

Para sa mga balita patungkol sa DPC, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.