Pinatunayan ng Elephant na may timbang ang mabibigat na pangalang bumubuo sa kanilang koponan matapos nilang pangibabawan ang The International 10 China qualifier at maging ang ikalimang pambato ng naturang rehiyon sa pinakamalaking Dota 2 tournament ng taon.

Bagamat nabahiran ng duda ang kanilang kakayahang iselyo ang tagumpay, sinigurado naman ng koponan pagtapak sa grand final ng nasabing qualifier na sila ang lilipad papuntang Bucharest, Romania.

Ang paglalakbay ng Elephant patungong The International 10

Madaling nabansagan bilang ‘super team’ ang Elephant simula nang mabuo ito noong Oktubre ng nakaraang taon sa pangunguna ng mga dating miyembro ng PSG.LGD na sina Lu “Somnus丶M” Yao at Xu “fy” Linsen.

Somnus M Elephant
Credit: Valve

Sa kabila ng dakilang imahe na nabuo mula sa mga nakamit ng kani-kanilang pangalan, kasalungat ang ipinakitang resulta ng koponan pagpasok ng Dota Pro Circuit 2021. Lumabas kasi na ikalima lang sila sa pinakamalakas na koponan sa kanilang rehiyon matapos ang dalawang season.

Hindi nasubukan ang tikas ng Elephant kontra pinakamagagaling na koponan mula sa iba’t-ibang rehiyon dahil hindi sila nakatapak sa dalawang Major tournament na ginanap ngayong taon. 

Fy Elephant
Credit: EPICENTER

Hindi rin naging sapat ang 85 DPC points na kanilang nakalap kaya’t kinailangan nilang makipagsapalaran sa qualifier kasama ang siyam pa na koponan para sa natitirang pagkakataon na makuha ang Aegis of Champion.

Nasubukan man ang kanilang kakayahan sa porma ng 107 minutong laban kontra Royal Never Give Up at pagkatalo laban sa EHOME sa upper bracket finals sa kahabaan ng kanilang kampanya, nagawa pa rin nila itong tuldukan gamit ang matamis na tagumpay.

The International 10 roster ng Elephant

TI10 China Qualifier Winner Elephant
Credit: Wykrhm Reddy
  • Zhang “Eurus” Chengjun
  • Lu “Somnus丶M” Yao
  • Zhou “Yang” Haiyang
  • Xu “fy” Linsen
  • Xie “Super” Junhao

Sasamahan ng Elephant bilang kinatawan ng rehiyon ang PSG.LGD, Invictus Gaming, Vici Gaming, at Aster para sa The International 10 na nakatakdang ganapin sa Oktubre.

Bukod sa pinakaasam na Aegis of Champion, nakasalalay din ang higit $40 million prize pool, ang pinakamalaking papremyo sa kasaysayan ng esports.