Nagsimula na ang post-TI10 roster shuffle sa Southeast Asia.

Ito ay matapos ianunsyo ng Fnatic ang pag-alis nina ang “Deth” Wu Heng at Ng “ChYuan” Kee Chyuan sa kanilang Dota 2 roster. Nagtapos na raw kasi ang kontrata ng dalawang manlalaro noong matapos ang Dota 2 world championship.

“It wasn’t easy to bid farewell to such amazing players. But as the season ends, the team has to evaluate our goals and direction for the future, and likewise, the players have set their own plans too,” sulat ng Fnatic.

Nagpasalamat din ang organisasyon sa ambag nina ChYuan at Deth sa kanilang kampanya noong TI10.


Ang performance ng Fnatic sa TI10

Fnatic ang ikalawang kinatawan ng SEA para sa TI10. Nakuha nila ang tiket papuntang Romania mula sa regional qualifier kung saan nila ni-reverse sweep ang TNC Predator.

Chyuan at Deth sa Fnatic
Credit: Fnatic

Hindi man nangibabaw ang Fnatic noong group stage ng enggrandeng turneo, hindi naman pumayag na hindi makapagpakitang-gilas si ChYuan kontra Vici Gaming gamit ang Storm Spirit. Naging crucial din ang 2-0 victory nila kontra Team Secret noong group stage para maka-abante sa main event, bagamat sa lower bracket.

Pagtapak sa main event, Fnatic ang naging dahilan para maagang matuldukan ang kampanya ng Team Undying. Nagsilbing susi ang Clockwerk ni DJ upang manaig kontra koponan ng North America.

Dj, Clockwerk
Credit: Fnatic, MobaBG

Pagpasok sa ikalawang araw ng main event. Natapat naman ang Fnatic sa Team Spirit, ang naging kampeon ng TI10. Winalis sila nito para mag-settle sa 9th-12th place finish at mag-uwi ng USD$800,400 o mahigit PHP₱40 milyon.


Sa kasalukuyan, wala pang anunsyo ang Fnatic kung sino-sinong mga manlalaro ang papalit kina ChYuan at Deth.

Ang kasalukuyang roster ng Fnatic:

  • Marc Polo “Raven” Fausto
  • Djardel “DJ” Mampusti
  • Anucha “Jabz” Jirawong