Kinuha na ng Fnatic at BOOM Esports ang dalawa sa tatlong slots na nakalaan para sa Southeast Asia sa kauna-unahang Major tournament ng gumugulong na Dota Pro Circuit.

Ito ay matapos pangibabawan ng dalawang koponan ang standings ng DPC SEA Tour 2 Division 1 makalipas ang unang limang linggo ng bakbakan. Sa kasalukuyan, may 5-1 series win-loss record ang Fnatic at BOOM Esports.


Slots ng Fnatic at BOOM Esports sa Stockholm Major 2022, selyado na

Fnatic at BOOM Esports, pasok na sa Stockholm Major 2022
Credit: Fnatic Dota

Naunang maka-qualify sa gaganaping Major ang Fnatic matapos nilang masungkit ang ikalima nilang sunod na panalo. Nawalis nila ang best-of-three serye kontra Team SMG matapos magwala ni Armel “Armel” Tabios bilang Lina sa unang mapa at Templar Assassin naman sa ikalawa.

Bagamat masaya ang koponan sa kanilang nakamit, inamin naman ni Jaunuel “Jaunuel” Arcilla na magsisimula pa lang ang kanilang totoong misyon.

“It feels good, but we need to be there. We want the first place,” sagot ng Pinoy nang tanungin ang nararamdaman ng koponan.

Samantala, ang unang pagkatalo naman ng Fnatic matapos nilang maselyo ang slot sa Major ang naging tiket ng BOOM Esports para sa kanilang qualification. Tatlong mapa at pagpapakitang-gilas ni Erin Jasper “Yopaj” Ferrer ang kinailangan para maputol ng koponan ang win streak ng Fnatic.



Inamin din ni Yopaj na mas bumuti na ang kanilang communication sa kahabaan ng gumugulong na Tour at maaaring ito ang naging dahilan para masungkit nila ang slot sa Major.

“Our communication is quite good for me because before it was really bad because we keep shouting [at] each other,” paliwanag niya.


Matapos ang tagumpay ng Fnatic at BOOM Esports, paglalabanan na lang ng T1 at Polaris Esports ang huling Major slot na nakalaan para sa Southeast Asia.

Bagamat nalaro na nina Marvin “Xavius” Rushton ang lahat ng kanilang laban, magkakaroon pa sila ng tsansa na makapasok sa top three kung mabibigo ang koponan nina Carlo “Kuku” Palad kontra Fnatic sa paghaharap nila sa ika-20 ng Abril.

Fnatic at BOOM Esports, pasok na sa Stockholm Major 2022
Credit: ESL

Samantala, nakatakda namang ganapin ang ESL ONE Stockholm Major sa ika-12 hanggang ika-22 ng Mayo. Iraraos ito sa Hovet Arena sa harap ng live audience.


Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.