Magandang balita ang bumungad para sa Southeast Asian Dota 2 fans matapos ianunsyo ng Valve na pasok pala sa The International 2022 ang Fnatic.

Matatandaang pinaglalaban sana ng Fnatic ang pagkakataong mapabilang sa 12 koponang makaka-directly qualify sa Dota 2 world championship ng taon noong Arlington Major, ang huling Major tournament ng Dota Pro Circuit 2021/2022. Sa kasamaang palad, hindi na nadagdagan ang naipon nilang 1200 points matapos mabigo kontra beastcoast noong unang round ng lower bracket.

Ayon sa mga kalkulasyon ng ibang sources gaya ng Liquipedia at community figure na si Ben “Noxville” Steenhuisen, nagkaroon ng 1020.05 puntos ang Outsiders matapos mauwi sa 7th-8th place ang kampanya ng naturang Eastern Europe team sa Arlington Major.

Pero pahiwatig ng Valve, hindi ito ang opisyal na bilang ng mga puntos.

Valve: Fnatic ang pasok sa The International 2022, hindi Outsiders
Credit: Fnatic

Valve nilinaw na Fnatic ang qualified sa The International 2022

Sa isang Tweet na isinapubliko Martes ng umaga, nilinaw ng Valve na ang nakalagay na standings sa website ng DPC ang opisyal na standings. Dito, nakalagay na 1019 points lang ang meron ang Outsiders habang 1020 naman ang sa Fnatic.



Ibig sabihin, Fnatic ang kabilang sa 12 koponang directly qualified sa paparating na The International, imbes na Outsiders.

Valve: Fnatic ang pasok sa The International 2022, hindi Outsiders
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Ang siste, hindi pala kino-consider ng Valve ang partial points. Na-etsa-puwera nito ang dagag 1.05 puntos ng Outsiders matapos ipataw ang lahat ng penalty sa naipon nilang DPC points kaya’t nauwi sa 1019 ang kabuuan nilang puntos matapos ang isang season.

Sa ngayon, hindi pa naglalabas ng pahayag ang Outsiders, habang ikinagalak naman ng Fnatic ang naturang paglilinaw.

Bilang paghahanda para sa The International 2022, ipinaalala ng Valve na magsisimula ang regional qualifier sa ikatlo ng Setyembre. Magkakaroon din daw ng bagong patch bago magsimula ito. Matatagpuan ang kumpletong liham ng Valve dito.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: ‘HATERS WHERE ARE U NOW?’: Team Spirit tagumpay sa Arlington Major 2022