Nagpasiklab si Pinoy star midlaner Karl Matthew “Karl” Baldovino para bigyan ang T1 ng una nitong panalo sa The International 10 matapos nilang walisin ang Virtus.pro, 2-0, sa ikalawang araw ng Group Stage.

Mukhang wala na ang rookie jitters ni Karl sa pinakamalaking Dota 2 tournament ng taon matapos ang unang araw ng kompetisyon kung saan nabigong makakuha ni isang panalo ang koponan mula sa Southeast Asia sa dalawang serye laban sa Invictus Gaming at Evil Geniuses.


Karl nagliyab sa kanyang Lina at Doom

Credit: WePlay Esports

Pinangunahan ni Karl sa kanyang Lina ang malupit na comeback win ng T1 sa Game 1. Inapula ng kasalukuyang hari ng SEA ang mainit na panimula mula ng VP at binura ang halos 9K gold lead nito.

Naglista ng double kill ang 23-year-old pro sa isang 4-for-1 trade sa 29th minute sabay kuha ng T1 sa Roshan para tuluyang maagaw ang momentum.

Hindi na huminto sa pagratsada ang T1 at sinara ang laro sa pamamagitan ng isang malinis na team wipe sa 40th minute kung saan naka-ultra kill ang Medusa ni Nuengnara “23savage” Teeramahanon at nakaisa naman si Karl.

Nagtala si Karl ng 16 kills at 12 assists laban sa 12 deaths samantalang nagpakitang-gilas din sila Pinoy captain Carlo “Kuku” Palad (Earthshaker) at Indonesian support Matthew “Whitemon” Filemon (Lion) gamit ang kanilang magagandang initiation.

Pinagpatuloy ng dating prodigy na kilala rin sa tawag na Santino ang kanyang nagbabagang performance sa Game 2 gamit naman ang kanyang signature Doom.

Ginawang miserable ni Karl ang buhay ni Danil “gpk” Skutin (Storm Spirit) sa midlane at pumugak papunta sa side lanes para pumitas. Hindi na binitawan pa ng T1 ang kanilang malaking kalamangan at tuluyang dinurog ang kampeon ng Eastern Europe.

Humataw si Karl ng perpektong 10-0-16 record at pinangunahan ang one-sided 45-17 panalo ng T1 sa loob lamang ng 33 minuto.


Itutuloy ng T1 ang kanilang kampanya sa TI10 Group Stage Day 2 kontra sa two-time defending champion OG. Mapapanood ang mga bakbakan sa opisyal na Filipino TI10 coverage ng LuponWXC sa kanilang Twitch, YouTube at Facebook page.


SEA mag-ingay! Saksihan ang paglalakbay ni Karl papuntang TI10 sa Heroes of the Game documentary hatid ng foodpanda.