Ipinakilala si Paolo “KTM” Bago bilang ang bagong team director ng Fnatic Dota papasok sa unang Tour ng Dota Pro Circuit Southeast Asia 2021-2022.

Nagsilbing team analyst at assistant coach si KTM noong nakaraang taon para sa koponan, at performance coach naman bago sumabak ang Fnatic sa SEA Qualifier ng The International 10.

Pinalitan ni KTM si Eric “ReiNNNN” Khor na nagsilbing manager at team director para sa Southeast Asia sa loob ng higit anim na taon.

“With a newly built team, we are excited to take on our first challenge of this season, the Dota Pro Circuit 2022 Winter Tour,” sulat ng Fnatic sa kanilang anunsyo.

Bago ang desisyong ito, ibinalita rin ng Fnatic ang pagsali nina Armel “Armel” Tabios at Jaunuel “Jaunuel” Arcilla sa kanilang Dota roster para sa paparating na DPC season.

Kilalanin si KTM, ang bagong team director ng Fnatic Dota

Kilalanin si KTM, ang bagong team director ng Fnatic Dota
Credit: Paolo Gonzales Bago

Bukod sa kanyang kontribusyon sa Fnatic, natulungan na rin ni KTM, na dating kilala bilang Sandata, ang Dota 2 team ng Pilipinas na mapagtagumpayan ang gintong medalya sa Southeast Asian Games 2019.

Nagsilbing coach ang Cebuano sa SIBOL na binubuo nina Mc Nicholson ”Mc” Villanueva, John Anthony ”Natsumi” Vargas, Jun ”Bok” Kanehara, Marvin ”Boomy” Rushton, Bryle Jacob ”CML” Alvizo, Van Jerico ”Van” Manalaysay, at James Erice ”Erice” Guerra.

Nagamit din ni KTM ang kanyang husay bilang analyst at coach para tulungan ang Mobile Legends: Bang Bang team ng Blacklist International sa MLBB Professional League – Philippines.


Magsisimula ang kampanya ng Fnatic Dota sa Division I ng DPC SEA 2021-2022 Tour I sa ika-apat ng Disyembre kontra Team SMG.

BASAHIN: DPC SEA Tour 1 Division 1: Schedule, resulta, format, mga koponan, at saan mapapanood