Hangad ng OB Esports x Neon na makabalik sa isang Dota 2 Major tournament sa pamamagitan ng pagkuha ng Wild Card spot sa unang Major ng Dota Pro Circuit (DPC) 2021-2022 season.

Inilahad ni Indonesian midlaner Tri Daya “MamangDaya” Pamungkas ang goal na ito ng OB.Neon sa post-match interview matapos nilang ilista ang pinakamalaking upset sa ngayon sa DPC SEA Tour 1 Division 1 sa pamamagitan ng 2-1 panalo laban sa T1.

Mainit pa mula sa kanilang kampeonato sa Huya Winter Invitational 2021 kung saan pinataob nila koponan ni Chinese superstar Lu “Somnus丶M” Yao na Royal Never Give Up sa grand finals, sinunggaban ng OB.Neon ang kanilang unang panalo kasabay ng pagputol sa kanilang three-game losing streak sa DPC SEA Winter Tour.

Aminado si MamangDaya na medyo malabo nang makakuha sila ng top two finish na nagbibigay ng tiket diretso sa Playoffs at Group Stage ng Major pero buhay na buhay pa rin ang kanilang tsansa na magtapos sa third place na kaakibat ang gantimpalang Wild Card slot.

Kung magagawa nila ito, makakapaglaro muli ang OB.Neon sa isang Dota 2 Major event. Una itong nagawa ng organisasyon sa ONE Esports Singapore Major noong nakaraang taon kung saan ang dating roster nito na pinangungunahan pa nila Andrei “Skem” Ong at Japoy “Yopaj” Ferrer ay nakapagtala ng top six finish.


OB.Neon ni-reverse sweep ang T1

OB.Neon panalo kontra T1
Credit: OB Esports x Neon

Matapos makatikim ng 26-4 pandudurog sa kamay ng T1 na pinangunahan ng Lina ni Karl “Karl” Baldovino sa Game 1, bumawi ang OB.Neon sa likod ng Morphling ni Jinn “Palos” Lamatao.

Salamat na rin sa mga pickoff mula sa mga initiation ng Lion ni Mongolian support Ravdan “NARMAN” Narmandakh (dating kilala bilang Hustla), unti-unting na-farm ni Palos ang kanyang Manta Style, Eye of Skadi at iba pang core items para makapagdomina sa late game.

Tumikada si Palos ng 14 kills at six assists kontra sa dalawang deaths lamang at nagbitaw ng 45.2K hero damage, malayong-malayo sa 17.9K damage ng Anti-Mage ni T1 carry Nuengnara “23savage” Teeramahanon.

Pagdating ng deciding Game 3, bumida naman ang Tinker ni MamangDaya na talagang nagpahirap sa T1 pagdating sa mga malalaking team fight.

Bagamat mabagal ang naging panimula niya, nakabangon si MamangDaya sa mid game mula sa paisa-isang pickoff na nagawa niya sa tulong nila Federico “Abeng” Dicdican (Bane) at Michael Roi “Enryu” Ladines (Mars).

At dahil walang panghuli ang T1 sa kanyang Tinker, libreng nakapagbato ng Laser at Heat-Seeking Missile ang Indonesian pro sa mga clash kaya naman nakapaglista siya ng 11 kills at 11 assists, at dalawang beses lang namatay sa halos 41-minute game.

Nagkaroon pa ng friendly banter ang mga Pinoy players ng magkabilang koponan sa pagtatapos ng serye, partikular na sila Abeng ng Neon at Karl ng T1.

Nanatili ang OB.Neon sa No. 7 ng eight-team standings pero maaaring hudyat na ang upset win na ‘to para unti-unting makaangat ang koponan at makamit ang kanilang target na third-place finish.

Nalasap naman ng T1 ang kanilang unang talo matapos magwagi sa kanilang unang dalawang laro sa Winter Tour.

Subaybayan ang mga kaganapan sa DPC Tour 1 sa pamamagitan ng pag-like ng ONE Esports Philippines sa Facebook.