Aangat sa Dota Pro Circuit (DPC) 2021-2022 Southeast Asia Division 1 sa susunod na Tour ang Polaris Esports matapos magpasiklab ng perpektong kampanya sa Division 2 ngayong Winter Tour.

Tumikada ang Polaris ng malinis na 7-0 series win-loss record sa Division 2 para maselyo ang No. 1 spot at ang isa sa dalawang tiket patungo sa mas mataas na Division 1 kung saan pinaglalabanan ang mga slot ng SEA sa Major tournaments maging ang DPC points.

Bukod dito, nakuha rin ng Cebuano squad ang top prize na US$17,000 o humigit-kumulang sa PHP 874,000.

Credit: Polaris Esports

Natsumi tiwalang kaya ng Polaris Esports na pumalag sa Division 1

Bagamat inaasahan na mas mabibigat na kalaban ang makakatapat ng Polaris Esports sa DPC SEA Division 1 sa susunod na Tour, malakas ang loob ni 11K MMR carry John Anthony “Natsumi-” Vargas na kaya nilang makipagsabayan dito.

Sinabi ito Natsumi sa post-match interview kasama ang mga caster na sina David “GoDz” Parker at Treephob “Xyclopz” Tiangtrong matapos ang madaling 2-0 sweep ng Polaris kontra Ragdoll.

Ani pa ng 20-year-old star, nakakalaro nila sa scrim ang mga kasalukuyang Division 1 teams at sinabi niyang nakakapalag sila sa mga ito.

Sinabi rin ni Natsumi- sa interview na pagtutuunan nila ng pansin ang pagpapalakas ng kanilang early game bago sumabak sa Upper Division sa susunod na Tour.

Sa kanya namang pagbabalik sa Division 1, nais ng dating Neon Esports standout na makaharap ang The International 10 Top 8 finisher na T1, na tinitingala ngayon bilang pinakamalakas na koponan sa SEA region.

Balik Division 1 din sina captain-support Marvin “Xavius/Boomy” Rushton (dating miyembro ng TNC Predator), midlaner Mc Nicholson “Lelouch-/Mac” Villanueva (Smart Omega), offlaner Nikko “Force/Nikko” Bilocura (Execration) at hard support Bryle “mavis/cml” Alvizo (Smart Omega).


Ang undefeated run ng Polaris Esports sa DPC SEA Tour 1 Division 2

Credit: Polaris Esports

Agad na pinakita ng Polaris Esports ang kanilang kalibre nang pataubin nila ang Talon Esports na pinagbibidahan nila Kim “Gabbi” Villafuerte at Tal “Fly” Aizik sa isang three-game series noong unang linggo ng DPC SEA Winter Tour.

Sunod na pinatumba ng Polaris ang Lilgun, 2-1, bago walisin ang Inter Active Philippines at Army Geniuses, na tinalo nila habang naglalaro sa isang kilalang computer shop sa Cebu matapos manalasa ang bagyong Odette.

Credit: Polaris Esports Twitter
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Nakuha ng mga Cebuano star players ang crucial 2-1 victory kontra sa pinakamahigpit na kalaban nito sa Division 2 na Nigma Galaxy SEA na pinangungunahan ni Galvin “Meracle” Kang Jian Wen (kilala rin sa IGN na mizu).

Sa kanilang huling serye sa Winter Tour, pinaluhod ng Polaris Esports ang isa pang heavy contender na Ragdoll para tuluyang iselyo ang top spot at ang Division 1 slot. Sa kabuuan, 14 games ang naipanalo nila at natalo lamang sila sa tatlong laro.

Pwede niyong subaybayan ang mga kaganapan sa DPC Winter Tour sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Gabbi at Fly umalis sa Talon Esports