Nakasilat ang Fnatic ng isang panalo laban sa Vici Gaming para sa isang disenteng 1-1 na panimula sa The International 10, salamat sa eksplosibong galawan ni Ng “ChYuan” Kee Chyuan sa kanyang Storm Spirit.

Ito ang unang game win mula sa isang representante ng Southeast Asia matapos makalasap ng 2-0 sweep ang T1 sa kamay ng Invictus Gaming kanina.


Storm Spirit ni ChYuan nagpasiklab sa Game 2

Credit: Fnatic

Matapos mabalagbag sa Game 1, siniguro ng Storm Spirit ni ChYuan na makakabawi ang Fnatic sa Vici Gaming sa pangalawang laro ng kanilang tapatan sa Group B.

Nagpakita ng malulupit na initiation si ChYuan nang makuha na niya ang Aghanim’s Scepter upgrade sa kanyang Electric Vortex para manaig ang Fnatic sa mga crucial team fight at makuha ang momentum pagsapit ng late game.

Bagamat nakasikwat ng ultra kill ang Tiny ni Yang “poyoyo” Shaohan upang makatulak ang Vici Gaming sa mid lane, nagawa itong mapigilan ng Fnatic sa pamamagitan ng magandang setup ni ChYuan.

Nahuli ng 25-year-old Malaysian pro si poyoyo at ang Venomancer ni Ding “Dy” Cong habang lumalim naman ang Queen of Pain ni Zeng “Ori” Jiaoyang na na-dieback.

Hinabol ng boys in orange sa Radiant jungle ang iba pang miyembro ng koponan mula sa China at pinuksa ang mga ito para mapuwersa ang GG call matapos ang 54 minuto.

Tumikada ang Storm Spirit ni ChYuan ng 15 kills at 13 assists kontra sa 5 deaths habang maganda rin ang pinakita ng support duo ng Pinoy na si Djardel “Dj” Mampusti sa kanyang Bane at Thai na si Anucha “Jabz” Jirawong sa kanyang Monkey King.


Sunod na makakaharap ng Fnatic ang isa na namang Chinese powerhouse na Elephant bago isara ang kanilang kampanya sa unang araw ng bakbakan sa TI10.

Mapapanood ang mga laban sa opisyal na Filipino broadcast ng pinakamalaking Dota 2 tournament ngayong taon hatid ng LuponWXC sa kanilang TwitchYouTube, at Facebook page.


SEA represent! Panoorin ang paglalakbay ni ChYuan patungong TI10 sa Heroes of the Game documentary hatid sa inyo ng foodpanda.