Pinakawalan ng OG sina Sumail “SumaiL” Hassan at Martin “Saksa” Sazdov matapos ipabatid ng dalawang manlalaro ang kagutuhan nilang maghanap ng ibang oportunidad sa labas ng kanilang organisasyon.

Ito ang inanunsyo ng OG, halos isang buwan matapos nilang tuldukan ang kanilang kampanya sa The International 10 sa 7th-8th place. Pinasalamatan naman CEO ng OG esports, na si JMR Luna, sina SumaiL at Saksa sa kanyang mensahe.

SumaiL at Saksa umalis sa OG
Credit: Valve

“Both of them are incredible players and even better teammates. I am sure they will have a transformative effect in any organization they chose to join and they will continue to prove their world-class talent. Martin, Sumail, you will be missed. Thank you for sharing this adventure with us and thank you for always being warm and kind to us all,” saad niya.

Ang stint nina SumaiL at Saksa sa OG

Credit: Valve

Naging parte ng koponan si Saksa noong 2020 para palitan si Jesse “JerAx” Vainikka na nagretiro matapos maselyo ng OG ang ikalawa nilang Aegis of Champions noong parehong taon.

Bagamat wala masyadong napagtagumpayan, nagawa pa rin Saksa magpamalas ng husay sa kahabaan ng kanyang kampanya kasama ang OG. Isa na dito ang malupit niyang Clockwerk performance kontra Team Secret noong DreamLeague S15 DPC WEU – Upper Division.

Samantala, si SumaiL naman ay muling ni-recruit ng OG bago sumabak sa regional qualifier para sa TI10. Matatandaang naging parte rin ng koponan si ‘King’ noong January 2020 bago umalis matapos ang pitong buwan.

Sa kanyang muling pagbabalik, natulungan niya ang noo’y reigning Aegis of Champions bearer na depensehan ang kanilang titulo sa Dota 2 world championship.


Sa oras ng paglathala, wala pang abiso ang OG esports kung sino ang mga pupuno sa pwestong iniwan nina SumaiL at Saksa, gayundin ang koponan lilipatan ng dalawa.

BASAHIN: Bawat unang milestone sa TI10 na naging makasaysayan sa Dota 2