Pinatawan ang Team Orca at Team Apex ng parusang lifetime ban sa Dota 2 tournaments na sanctioned ng Valve dahil sa pagkakadawit nila sa match-fixing at account sharing.
Isang araw matapos ianunsyo ng Beyond The Summit (BTS) sa Twitter ang disqualification ng Orca sa Dota Pro Circuit (DPC), ipinaliwanag ng kilalang event organizer ang mga rason sa pagka-ban ng Team Orca at Team Apex. Inilista rin nila ang 10 manlalaro na nakatanggap ng matinding parusa.
Kabilang sa mga ito ang mga beteranong Malaysian pro na sina Lai “AhJit” Jay Son at Cheng “vtFaded” Jia Hao na parehong miyembro ng Team Orca (dating kilala bilang Ragdoll).
BTS ipinaliwanag ang permanent ban sa Team Orca at Team Apex

Nagsagawa ang Dota 2 tournament organizer na Beyond the Summit ng mga imbestigasyon at matapos nito ay natukoy ang diumano’y mga ilegal na aktibidad na kinasangkutan ng dalawang koponan.
Sa isang Twitter thread, sinabi ng BTS na nagkaroon ng account sharing sa pagitan ng Team Orca at Team Apex sa naganap na DPC Spring Tour SEA Open Qualifiers. Nilaro ng mga players ng Orca ang accounts ng Apex players sa naturang qualifying event.
Natuklasan din ng organizer ang mga ebidensya ng match-fixing laban sa Orca sa BTS Pro Series at ibang third-party tournaments sa nakalipas na taon. Matatandaan na kinoronahang kampeon ang grupo nila AhJit at vtFaded sa BTS Pro Series Season 10 noong ika-6 ng Marso.
Dahil sa mga aktibidad na ito, napagdesisyunan ng Valve na permanenteng i-ban ang mga sumusunod na manlalaro:
Team Orca
- Cheng “vtFaded” Jia Hao
- Lai “AhJit” Jay Son
- Wong “Gy” Kok Guan
- Zhou “Yif” Yifu
- Wang “闷油瓶”‘ (mèn yóu píng) Liang
Team Apex
- Bùi “hunghung” Văn Hùng
- Pang “BrayaNt” Jian Zhe
- Nguyễn “Datbb” Thành Đạt
- Namir “QWE” Mohammad
- Yang “JJ” Junjie (杨俊杰)

Kilala noon bilang Ragdoll, ang Team Orca ang isa sa malalakas na koponan sa DPC Winter Tour Division 2 at muntik pa ngang makatalon sa Division 1. Natalo sila kontra Nigma Galaxy SEA sa tiebreaker para sa No. 2 spot na may gantimpalang promotion patungong Division 1 kung saan pinaglalabanan ang Major slots ng rehiyon at DPC points.
Dahil sa kasalukuyang isyu, tinanggal ang Team Orca sa DPC Spring Tour SEA Division 2 at papalitan sila ng isang koponan mula sa qualifiers
Noong nakaraang DPC Tour, nagpataw din ang Valve ng permanent ban laban sa mga manlalaro ng Smart Omega. Ilang araw matapos nito ay umapela ang Smart Omega sa Valve na alisin ang ban sa kanilang organisasyon at tinanggap naman ito ng game developer pero nanatili ang parusa sa mga sangkot na players.
Manatiling updated sa mga pangyayari sa Dota Pro Circuit sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.