Nagkaroon ng pagbabago sa Dota 2 roster ng Virtus.pro (VP) sa kasagsagan ng malumanay na kampanya nito sa DPC 2021-2022 Tour 1 Eastern Europe Division 1.
Ipagpapatuloy ng Russian organization ang kampanya nito sa EEU Division 1 na may stand-in player at nakatakdang mag-anunsyo ng panibagong roster pagkatapos nito.
Pinalitan ni Xakoda si Kingslayer sa lineup ng Virtus.pro
Kinuha ng Virtus.pro ang Team Spirit academy player na si Egor “Xakoda” Lipartiya para punuan ang hard support role na iniwan ni Illias “Kingslayer” Ganeev.
Napagdesisyunan ni Kingslayer na maging inactive muna para makapag-focus sa mga pribadong bagay at kalusugan, ayon ‘yan sa opisyal na anunsyo ng organisasyon.
Tinawag ng VP si Xakoda bilang isang “promising young player who has already reached 10k MMR.” Kinumpirma rin ng org na sasailalim sa evaluation ang roster nito at ilalabas ang pinal na lineup pagkatapos ng gumugulong na season.

Sa pag-alis ni Kingslayer, dalawa na lang ang natitirang manlalaro mula sa roster ng Virtus.pro na nagtapos sa 5th-6th place sa The International 10. Ang mga ito ay sila midlaner Danil “gpk” Skutin at offlaner Dmitry “DM” Dorokhin.
Nauna nang umalis sila Egor “Nightfall” Grigorenko at Vitalie “Save-” Melnic para maghanap ng oportunidad sa ibang koponan. Napadpad si Nightfall sa Evil Geniuses at nag-switch mula sa carry role patungo sa offlane, habang wala pang balita kung saan sunod na maglalaro ang position-4 support na si Save-.

Ang bagong Dota 2 roster ng VP para sa DPC EEU
1 – Ivan “Pure” Moskalenko
2 – Danil “gpk” Skutin
3 – Dmitry “DM” Dorokhin
4 – Danial “yamich” Lazebnyy
5 – Egor “Xakoda” Lipartiya
Sa ngayon, ang Virtus.pro ay nasa ikalimang pwesto sa Eastern Europe Division 1 hawak ang 2-2 win-loss record nito. Kinapos sila sa kanilang unang serye kontra HellRaisers (1-2) at agad na nag-bounce back laban sa ASM Gambit (2-1) at Team Unique (2-0) ngunit natalo muli sa kamay naman ng PuckChamp (1-2).
Kung magpapatuloy ang ganitong takbo ng VP, maaaring hindi sila makapasok sa top three na nagbibigay ng mga tiket patungo sa unang Dota 2 Major ng taon maging ng DPC points.
Nakatakdang harapin ng Virtus.pro ang Team Empire sa pagpapatuloy ng kampanya nito sa DPC EEU Division 1 sa ika-pito ng Enero. Mapapanood ang laban sa opisyal na Twitch channel ng organizer na Beyond The Summit.
Para sa mga balita patungkol sa Dota Pro Circuit (DPC) Winter Tour, maaari niyong sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Hango ito sa artikulo ni Dexter Tan Guan Hao ng ONE Esports.