Ang Like a Dragon game series ay matagal nang kinagigiliwan ng fans ng action-adventure, beat ’em up, at role-playing genres.

Nakatakda sa backdrop na Japanese underworld at mga kathang-isip na paksyon ng Like a Dragon, hindi pumapalya ang franchise na maghain ng mga kumplikadong karakter at hindi malilimutang alaala.

Sa papalapit na paglabas ng Like a Dragon Infinite Wealth, hangad ng Ryu Ga Gotoku Studio na muling i-redefine ang serye.

Napukaw ng lahat ng mga pagbabago sa laro ang atensyon ng The Game Awards, kaya naman na-nominate ito para sa parangal na “Most Anticipated Game” sa 2024.

Kung bago ka lang sa franchise at nais mong malaman kung bakit malaki ang hype sa likod ng paparating na AAA title ng SEGA, nilista namin ang tatlong mabibigat na rason kung bakit isang must-play title ang Infinite Wealth sa 2024.

Mga dahilan kung bakit ang Like a Dragon Infinite Wealth ang pinaka-inaabangang laro sa 2024

JRPG gameplay na may beat ’em up twist

JRPG combat system ng Like a Dragon Infinite Wealth
Credit: Ryu Ga Gotoku Studio, SEGA

Ang pagbabalik ng turn-based RPG combat sa Like a Dragon Infinite Wealth ay hindi lang paglipat ng gameplay — ito bahagi ng dinamikong ebolusyon ng combat mechanics sa serye.

Sa sentro nito ang maalamat na karakter na sina Ichiban Kasuga at Kiryu Kazuma.

Dala ni Ichiban ang Hero job, isang character class sa laro, na tangan ang electric-powered bat. Versatile ang hero class na ito dahil kaya niyang magbitaw ng damage sa single target o sa isang area, mang-heal at buff ng mga kakampi, at magtanggal ng status afflictions.

Gamit naman si Kiryu, pwedeng magpalit ang mga manlalaro ng tatlong magkakaibang stance, na nagbibigay-pugay sa sikat na mga fighting style ng Dragon of Dojima mula sa nakaraang titles.

Main cast ng mga karakter sa Like a Dragon Infinite Wealth
Credit: Ryu Ga Gotoku Studio, SEGA

Angat ang playstyle ni Kiryu dahil sa Resurgence gameplay mechanic ng Dragon. Pinapayagan siya nito na panandaliang mag-switch sa beat ’em-up combat system, na binabalik siya bilang maalamat na fighter na minahal ng lahat.

Nagdadala naman ng magandang pagbabago sa JRPG experience ang pagdagdag ng mga bagong karakter sa Infinite Wealth.

Kasama sina Ichiban at Kiryu, si Chitose, na may Heiress job, ay nagpapamalas ng dance-inspired grappler moves. Nagsisilbi siyang support character sa pangkat at nagbibigay ng versatility sa team dynamics.

Si Tomizawa naman ay isang mage-like class, na kayang gumawa ng elemental attacks habang nagdadala ng katatawanan sa mga labanan.

Sayonara Japan, Aloha Hawaii

Hawaii ang setting ng Like a Dragon Infinite Wealth
Credit: Ryu Ga Gotoku Studio, SEGA

Ang desisyon na i-set ang Like a Dragon Infinite Wealth sa Hawaii ay hindi lang basta pagbabago sa tanawin. Ito ay sadyang pinili upang magbigay ng bagong buhay at mga posibilidad sa serye. Ipinapakilala ng makulay na setting ang open-world experience na puno ng iba’t-ibang side quests, minigames, at mga aktibidad.

Bukod pa sa bagong setting, mayroon din bagong gameplay elements tulad ng Aloha Links, isang social mechanic na hinahayaan kang bumuo at palaguin ang iyong relasyon sa iba’t-ibang tauhan.

Lalong pinapaganda ng side quests sa Infinite Wealth ang laro sa pamamagitan ng paghahalo sa katatawanan at nakakaantig na mga sandali. Ito man ay pag-navigate kay Ichiban sa hindi sinasadyang pagpasok sa industriya ng pagkain, pakikisangkot sa mga personal na problema ng lokal, ang mga side quest na ito ay sinasalamin ang timpla ng mga mapaglaro at hindi inaasahang paglalakbay sa serye.

Ang pinakamahabang Like a Dragon game sa kasaysayan

Halimbawa ng side quest sa Like a Dragon Infinite Wealth
Credit: Ryu Ga Gotoku Studio, SEGA

Ang Inifinite Wealth ay hindi lang basta isang installment sa Like a Dragon series. Ayon kay Ryu Ga Gotoku Studio head Masayoshi Yokoyama sa isang panayam kasama ang Game Watch Japan, ito ang pinakamahabang laro na ginawa nila.

Ipinapakita ng pagbibigay-diin ni Yokoyama sa haba ng laro ang kanilang paggarantiya na maghatid ng malawak at nakaka-engganyong karanasan na higit pa sa anumang inaalok ng franchise dati.

Dala ang pangako na magbigay ng karanasan na lampas sa nakasanayang isa o dalawang pang-magdamagan, hangad ng Infinite Wealth na higitan ang expectations ng Like a Dragon fans.

Ang nominasyon ng laro bilang Most Anticipated Game sa The Game Awards ay isang patunay sa hype na pumapaligid sa paglabas ng Infinite Wealth.

Ibahagi ang iyong kasabikan sa gaming community sa pamamagitan ng pagboto para sa Like a Dragon Infinite Wealth. Ang iyong suporta ay tumatayo rin bilang pagkilala sa pagsisikap ng mga developer na walang pagod na nagtrabaho sa laro.

Bumoto na sa opisyal na website ng The Game Awards. Magtatapos ang botohan sa Disyembre 6, 6 p.m. PT | December 7, 10 a.m. GMT+8 | December 7, 2 a.m. GMT.

Para sa iba pang balita at guides tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Party Animals review: Subukan ang cute at nakaaliw na party game na ito