Ipinaliwanag ni Philippine Esports Organization (PESO) deputy executive director Marlon “Lon” Marcelo kung bakit nagpatupad sila ng age limit sa SIBOL qualifiers.

Ang mga manlalarong 18 taong gulang at pataas o ‘yung magiging 18 anyos hanggang sa pagsapit ng ika-11 ng Mayo lamang ang pinayagang makasali sa 2022 SIBOL national team selection.


Bakit may age limit sa SIBOL qualifiers? Ipinaliwanag ni Lon ng PESO ang dahilan nito

PESO deputy executive director Marlon "Lon" Marcelo ipinaliwanag kung bakit may age limit sa SIBOL qualifiers
Credit: SIBOL
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Bago magsimula ang SIBOL MLBB Phase 2 Qualifiers nitong Huwebes, ika-27 ng Enero, inilahad ni PESO deputy executive director Lon Marcelo ang rason kung bakit ang mga 18 years old and above na players lang ang pinayagan nilang lumahok sa national team selection.

“If you’re raising the flag of the Philippines, definitely you must be a Filipino passport holder. Walang ano (kuwestiyon) dyan,” sabi ni Lon, isang dating shoutcaster at kasama ng namayapang caster na si Aldrin “Dunoo” Pangan sa “The Most Explosive Casting Tandem” na pinauso ang #LakadMatatag na siyang naging battlecry ng SIBOL.

“Number two, 18 years old minimum restriction is now being applied sa halos lahat ng federation-related events all over the world. So if you actually want to join the Philippine team, dapat 18 years old ka na. And syempre kung ‘yun na ang national rule o global rule, ang standard sa buong mundo, it’s actually a no-brainer to recruit 18 years old and above players para mag-represent sa Pilipinas. Kasi kung ‘di mo susundin ‘yun, disqualified ka na kaagad.”

Malaking factor din ang inilabas na age restriction (18 years old at pataas) ng host na Vietnam para sa esports category ng 31st Southeast Asian Games na gaganapin sa Mayo.

Credit: SEAGF

Kaya naman kapansin-pansin na wala sa SIBOL MLBB qualifiers ang mga batang star players tulad nila Kiel “OHEB” Soriano at Edward “EDWARD” Dapadap ng Blacklist International, Kairi “Kairi” Rayosdelsol ng Onic PH, Duane “Kelra” Pillas at Kiel VJ “Kielvj” Hernandez ng Smart Omega, David “FlapTzy” Canon ng Bren Esports at Karl “KarlTzy” Nepomuceno ng ECHO Philippines na naglaro sa Phase 1.

Ang age limit sa SIBOL qualifiers ay hindi lang para sa Mobile Legends division kundi para sa lahat ng esports titles. Bukod sa ML, nagpapa-tryout din ang SIBOL sa League of Legends: Wild Rift (men at women) at Crossire habang ang aangat naman sa samantalang kakabukas lang ng registration para sa Arena of Valor, Free Fire, FIFA at League of Legends (PC), na pawang mga laro na paglalabanan sa 31st SEA Games.


Lon nilinaw din kung bakit nagbago ang selection process ng SIBOL

Noong SEA Games debut ng esports sa Pilipinas dalawang taon na ang nakalipas, binuo ng mga pinakamagagaling na manlalaro mula sa iba’t-ibang koponan ang SIBOL MLBB division na nasungkit ang gintong medalya kontra sa Indonesia.

Credit: Mineski.net

Pero ngayong taon, napagdesisyunan ng SIBOL na imbes “all-star” players ang kuhain, isang buong team na ang kakatawan sa Pilipinas sa SEA Games at iba pang international tournaments.

“Dati kasi all-star ang pinipili per team, but unfortunately kasi ang strategy for this national selection, due to COVID restrictions, team ‘yung pipiliin natin. Dati kasi kung sino pinakamalakas na jungler, pinakamalakas na gold laner (sidelaner), ‘yun ang kinukuha. But now it’s a different dynamic just because we have to make sure also that the teams are actually prepared and para samin mas maganda na isang buong team na ang kukunin kaysa i-chopsuey just because of the pandemic eh ‘di pa natin kayang buuin nang solid ‘yung team natin (kung all-star pa ang kukunin),” paliwanag ni Lon.

Sa kabila ng pagbabagong ito, idiniin ni Lon na sisiguruhin nila na ang tatanghaling kampeon sa SIBOL MLBB qualifiers ay “talagang palaban at “world-class” na koponan.

Ang pagbabagong ito ay hindi lamang para sa MLBB kundi sa ibang team esports din.


Panoorin ang SIBOL MLBB Phase 2 Qualifiers sa Facebook page nito. Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa ibang balita patungkol sa ating national esports team.