Naulit lang ang kasaysayan sa pagitan ng magkapatid na koponan na Echo Philippines at Aura Fire matapos ilaglag ng mga Pilipino ang kanilang Indonesian brothers sa iskor na 2-1 sa unang araw ng ONE Esports MPL Invitational (MPLI) 2021.
Katulad ng ginawa nila sa nakaraang edisyon ng MPLI noong 2020, maagang pinauwi ng Echo (kilala noon bilang Aura PH) ang kanilang sister team.
Isa sa naging susi ang Aldous ni jungler Mark “Hadess” Lazaro sa come-from-behind series win ng isa sa mga pambato ng Pilipinas sa naturang 20-team, five-nation tournament na may $100,000 (mahigit PHP5 milyon) prize pool.
Sa post-match interview, ibinahagi ni kapitan Chan “Rafflesia” Fajura na talagang prinaktis nila ang Aldous para sa MPLI 2021.
Sinabi rin niyang hindi naging madali ang kanilang laban kontra sa Aura na unang nakaabante sa serye at madalas na nakalamang sa mga laro.
“Mahirap sila kalaban. Na-pressure din kami sa game,” ani ni Rafflesia.
“Khufflesia” ‘di naging sapat sa Game 1
Maagang nakalamang ang Aura Fire dahil sa pagnakaw ni Jehuda Jordan “High” Sumual sa Ling ng orange buff ng Echo Philippines na sobrang nagpa-delay sa Paquito ni Mark “Hadess” Lazaro.
Nagawang makabawi ng Echo sa pamamagitan ng mga malulupit na Tyrant’s Revenge-Tyrant’s Rage setups ni two-time MPL PH champion tank Chan “Rafflesia” Fajura na nagbigay ng space para kay Hadess at Benedict “Bennyqt” Gonzales sa Aldous.
Pero hindi pa rin napigilan ng Echo ang paglakas ni High kasabay ng pagtaba ng Karrie ni Leonardo Prasetyo “Kabuki” Agung kaya nakuha ng Aura ang first blood sa serye sa loob ng halos 16 minuto.

Si High ang tinanghal na MVP ng unang laban matapos magtala ng 5-3-3 kill-death-assist record habang si Kabuki naman ay nakapaglista ng 3-2-2 record at mahigit 53K damage.
Rafflesia at Hadess nagsanib-pwersa para makatabla ang Echo
Nag-draft ang Aura ng kakaibang jungle Baxia at roaming Hayabusa sa Game 2, at gamit ito ay nakuha nila ang maagang bentahe.
Ngunit nanguna na naman si Rafflesia sa kanyang signature Chou na tumikada na naman ng magagandang initiations para makasiguro ng pickoffs ang Echo.

Susi rin si Hadess sa kanyang Lancelot na makailang-ulit kumamada ng clutch Lord steals para mapwersa ng mga bata ni coach Michael Angelo “Arcadia” Bocado ang do-or-die game.
Aldous ni Hadess nagpasiklab sa huling laban
Gaya sa mga naunang laro, nakaariba ang Aura sa early to mid game salamat sa magaslaw na Ling ni High pero naging mas matalino ang Echo pagdating sa decision-making sa late game.
Sa series-winning Lord fight sa bandang 24 minuto, nakontrol ni Rafflesia sa Mathilda si High na tuluyang napitas ng Feathered Air Strike mula sa Pharsa ni Rion “Rk3” Kudo. Dito na sinuguro ni Hadess ang pagkuha sa Luminous Lord bago patumbahin ang Tigreal ni Erico “god1va”.
Lamang ng 4-1 sa manpower kasama pa ang Lord, nag-all-in si Hadess sa Base ng Aura para tuluyang matapos ng Echo ang serye.

Umabante ang Echo Philippines sa ikalawang round ng bracket na binuo ng MPL Indonesia Season 8 champion Onic Esports. Sunod nilang makakatapat ang mananalo sa isa na namang sibling war sa pagitan ng RSG PH at RSG SG.
Panoorin ang Filipino/Tagalog stream ng Facebook page ng ONE Esports Philippines at sa YouTube channel ng ONE Esports.