Bren lang malakas!

Sinunggaban ng Pinoy team na AP Bren ang kampeonato ng M5 World Championship matapos patumbahin sa game seven ang pambato ng Indonesia na ONIC Esports sa gumulong na grand final, Linggo ng gabi.

Iniukit ng organisasyon ang kanilang pangalan bilang unang koponan na nakakuha ng dalawang M-series titles matapos una itong masungkit sa M2 World Championship noong 2021.

AP Bren tagumpay sa dikdikang M5 World Championship final kontra ONIC Esports

Groupie ng AP Bren sa M5 World Championship
Credit: ONE Esports

Sa pagbubukas ng serye, agad na sinagasaan ng AP Bren ang mga katunggaling Indonesian sa likod ng mahusay na hawak ni Kyle “KyleTzy” Sayson sa Fredrinn na pumako ng perpektong 3/0/4 KDA.

Hindi naman pumayag ang ONIC na mabaon sa 0-2, matapos ipamalas ni Sanz “Gilang” ang kaniyang galing sa Gord na naglista ng malinis na 4/0/10 KDA.

Gayunpaman, hindi napigilan ng mga kampeon ng MPL ID ang arangkada ng Bees na dinomina ang dalawang magkasunod na laro para makuha ang match point.



Sa puntong ito, inilabas ng ONIC ang kanilang mga baraha. Sumandal ang Sky Kings sa Wanwan, Novaria at Paquito para kuhanin ang game five. 

Tanggal ang kulit ni Wanwan sa 3 heroes na ‘to sa MLBB

Mistulang nakuha ng mga pambato ng Indonesia ang tamang timpla dahil sa gumulong na game 6, muling naghari ang Wanwan ni Calvin “CW” Winata na nilapnos ang AP Bren para itulak ang laro sa game seven.

ONIC Esports gold laner na si CW sa M5 World Championship
Credit: Moonton Games

Hawak ang momentum, sumandal ang Hedgehogs sa team-fight heavy composition na binuo ng Kadita, Yve at Terizla. Sinagot naman ito ng mga Pinoy sa pagsalang ng crowd-control heavy at snowball lineup.

Kalaunan ay ipinakita ng mga pinoy ang husay ng kanilang lineup sa early game nang burahin nila ang mga tore ng kalaban. 

Ngunit ang naging highlight ng laro ay nang tambangan ng MPL PH champions ang kapwa Pinoy na si Kairi “Kairi” Rayosdelsol (Baxia) sa midlane sa ika-13 minuto ng laro para mag-martsa sa base ng kalaban at tapusin ang serye sa sumunod na mga sandali.

Hinirang na Finals MVP ng M5 World Championship si FlapTzy mula sa AP Bren
Credit: Moonton Games

Para sa malaki niyang kontribusyon sa pagkapanalo ng team, ginawaran ng Finals MVP gantimpala si David “FlapTzy” Canon.

Sa tagumpay, naiuwi ng AP Bren ang pinakamalaking bahagi ng US$900,000 prize pool at mahirang bilang pinakamagaling na Mobile Legends team sa buong mundo.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa iba pang balita tungkol sa Mobile Legends

BASAHIN: Babalik kung saan nag-umpisa! M6 World Championship isasagawa sa Malaysia sa susunod na taon