Ilang sandali na lamang ay magbabakbakan na ang 12 sa pinakamalalakas na teams sa mundo upang hirangin bilang kampeon ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup (MSC 2023).

Tampok sa iterasyon na ito ng MSC ang bagong format na inaasahang mas magpapabaga ng kumpetisyon sa liga na gugulong sa darating na June 10 hanggang 18 sa Phnom Pehn, Cambodia.


Mga detalye tungkol sa susunding format sa MSC 2023

MSC 2023 Format para sa Group Stage

Credit: MPL Philippines

Gaya ng dati, magkakaroon ng dalawang phases ang international league. Unang gugulong ang Group Stage na gugulong mula June 10 hanggang June 13, at katatampukan ng dalawang pool ng teams.

Ang pool 1 ay bubuuin ng mga kampeon ng MPL Philippines, MPL Indonesia, MPL Malaysia at MSC 2023 Myanmar Qualifier. Samantala, ang natitirang walong teams ay lilipulin sa Pool 2.

Ang teams na kalahok sa Pool 1 ay ilalagay sa kani-kanilang Groups (Group A hanggang Group D), habang ang mga koponan naman sa Pool 2 ay random na bubunutin sa gaganaping Group Draw sa May 26, para maibilang sa mga grupong ito.

Credit: MSC

Base pa rin sa inilatag na format, hindi maaaring mapabilang ang parehong MPL PH teams sa iisang grupo, gayundin ang dalawang koponan galing MPL ID. Ibig sabihin, hindi maaaring magsama sa iisang grupo ang ECHO at Blacklist International, gayundin ang ONIC Esports at EVOS Legends.

Magbabakbakan ang mga koponan sa group stages sa best-of-three format kung saan aangat ang top two teams mula sa bawat group papunta sa Knockout Stage. Kaiba ito sa dating best-of-two format noong nakaraang taon.


MSC 2023 Format para sa Knockout Stage

Credit: Moonton

Pagkatapos ng Group Stage, aangat ang walong koponan papunta sa Knockout Stage sa June 15 hanggang June 18, kung san hihirangin ang team na pinakamagaling sa Southeast Asia.

Susunod ang Knockout Stage sa Single Elimination format, kaiba sa Double Elimination playoff format noong nakaraang MSC. Ibig sabihin, mas masusubok ang mga koponan ngayon dahil wala ng pagkakataon ang matatalong team sa quarterfinals na makabalik sa kumpetisyon, liba na lamang pagdako ng semifinals.

Credit: MSC

Ito ay dahil pagdako ng semis, ang mga matatalong pangkat ay lalahok sa battle for third place.

Lahat ng labang gaganapin sa MSC 2023 Knockout Stage ay lalaruin sa best-of-five series, maliban na lamang sa Grand Finals na pagalabanan sa best-of-seven serye.

Gamit ang bagong format na ito, inaasahan ng komite na mas magiging maaksyon ang labanan sa darating na tournament sa Cambodia.

I-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines para sa pinakahuli ukol sa MLBB esports!

BASAHIN: Kumpletong roster ng bawat koponan sa MSC 2023