Walang sinuman ang nakahula na matatanggap ng RRQ Hoshi ang dalawang magkasunod na pagkatalo sa ikatlong linggo ng MPL Indonesia Season 10. Matapos ang magbaga sa unang dalawang linggo ng season, napurnada ang winning streak ng defending champions na nagtulak para mangaray ang ilan sa kanilang fans.

Mas pinasakit pa ito ng pagkatalo mula sa mga koponan na hindi inaasahan ng King of Kings. Matapos mapatid ng karibal na EVOS Legends, bokya din ang koponan kontra Rebellion kung kaya’t nangangamba na ang mga miron sa kalalabasan ng tangkang depensa ng RRQ ngayong S10.

Gayunpaman, maraming rason para manatiling tiwala ang RRQ Hoshi fans sa tiwala ng kanilang team. Ito ang ilan sa mga rason:


Top quality ang players ng RRQ Hoshi

Credit: MSC

May rason kung bakit matunog ang pangalan ng RRQ Hoshi sa larangan ng Mobile Legends. Ito ay dahil sa kalibre ng players na kinukuha nila para bumandera sa kanilang roster.

Sino bang mangangamba kung nasa panig mo sina Alberttt, Lemon, Skylar, Vyn, Clay at R7? Sa madaling sabi, nasa rurok ang skill level ng mga pros na nasa hanay ng koponan kung kaya’t hindi dapat mabahala ang fans sa magiging resulta ng kanilang regular season.


Napugo na ng RRQ Hoshi ang pinakamalalakas na teams sa S10

Mababalikan na sa unang dalawang linggo ng regular season ay numero uno ang koponan ng RRQ. Ito ay dala ng kanilang mga panalo kontra sa malalakas na teams sa liga tulad na lamang ng Bigetron Alpha, Alter Ego at ONIC Esports na kanya-kanya ding may mga top players.

May mga pagkakataon nga lang talaga sa season na masasagot sila, ngunit kung napagtagumpayan na nila ang mga ito ay siguradong kaya nila mapagtagumpayan ang iba pang teams sa susunod nilang mga laban.


May adjustment pa ring nagaganap sa RRQ

Credit: Team RRQ

Hindi man nagbago ng lineup mula sa kanilang championship season ay may nagaganap pa ding adjustment sa loob ng koponan. Maaalalang dumating sa kanilang hanay ang dekoradong Pinoy coach na si Michael “Coach Arcadia” Bocado na ngayon ay gumagabay sa koponan bilang analyst.

Kasunod nito ay siguradong may mga pagkakataong naninibago pa ang players sa drafting at istilo na ipinapatupad ng bago nilang coach. Ang regular season ang pinakamagandang pagkakataon para linisin ang kanilang play.


Nasa panig ng RRQ Hoshi ang kasaysayan

Credit: MSC

Hindi ba’t nagapi rin ang RRQ Hoshi ng EVOS Legends sa unang bahagi ng MPL ID Season 9? Mababalikan na sa ikatlong linggo ng naturang season ay pinabagsak ng White Tigers ang King of Kings sa score na 2-1. Gayunpaman, rumebanse ang RRQ sa ikalawa nilang pagtatagpo at kaluanan ay naging kampeon ng torneo.

Maiintindihan ang pangagamba ng fans sa nangyareng losing streak ng koponan ngunit mas marami pa ring rason na maaaring sandalan para manatiling tiwala sa kakayahan ng RRQ.

Pagsasalin ito sa sulat ni Gunawan Windyantara ng ONE Esports ID.

BASAHIN: Beatrix ni Haizz bumida sa panalo ng Rebellion Zion kontra RRQ Hoshi sa MPL ID S10