May Filipino rin palang kinuha ang Team RRQ para sa kanilang Mobile Legends: Bang Bang team.

Opisyal na kasing ipinakilala ang Filipino coach na si Michael “Arcadia” Bocado bilang pinakabagong miyembro ng organisasyon, sa pamamagitan ng isang video na unang in-upload sa opisyal na YouTube channel ng RRQ.

Makikita ang silweta ni Arcadia habang ini-interview ni Aeterna. Ani ng Pinoy na coach, hindi siya sumanib sa RRQ para lang makisabay sa ‘trend’ ng paglipat ng mga Pinoy sa iba’t-ibang rehiyon na may MPL.

Credit: Team RRQ

“If it wasn’t RRQ who asked, I wouldn’t be here,” giit niya.

Sa kabila nito, hindi naman kinumpirma sa video kung ano ang magiging papel ni Arcadia sa koponan, pati na rin kung magsisilbi ba siya para sa MPL ID team na RRQ Hoshi, o sa MLBB Development League team na RRQ Sena.

Noong nakaraang season, gumanap bilang head coach ng RRQ Hoshi si Adi “Acil” Syofian Asyauri, habang si Petra “Fiel” Giovanni naman ang analyst.

Ang karera ni Arcadia bago lumipat sa Team RRQ

Credit: Team RRQ

Pumasok sa liga si Arcadia noong ikalimang season ng MPL Philippines bilang coach ng noo’y defending champions na Sunsparks. Sa una niyang season, nagabayan niya ang koponan para makagawa ng kasaysayan bilang ang kauna-unahang back-to-back champions ng liga.

Nanatili ang coach sa organisasyon kahit nang mag-rebrand ito sa Aura Fire, na ngayon naman ay ECHO na. Pero matapos ang dalawang seasons kasama ang mga orca, na parehong nagtapos sa 5th-8th place finish, nagdesisyon nang umalis si Arcadia bago ang ika-10 season.

Credit: MPL PH

Hindi lang si Arcadia ang Pinoy na coach na lumipat sa ibang MPL region bago magsimula ang susunod na season ng mga liga. Ang dating coach ng Nexplay EVOS na si John Michael “Zico” Dizon ay kinuha na rin ng BURN X FLASH ng MPL Cambodia, habang sa ONIC Esports naman magsisilbi ang dating coach ng ONIC Philippines na si Denver “Yeb” Miranda.

Kamakailan, inanunsyo rin ng Suhaz Esports, isang koponan na sumasabak sa MPL Malaysia, na kinuha nila si Theo “Raizen” Eusebio, ang coach ng amateur team na Z4 Esports.

Samantala, nakatakda namang magsimula ang MPL ID Season 10 sa ika-12 ng Agosto.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: EVOS Legends ni-recruit ang isa sa pinakamalakas na EXP laner mula sa MPL PH