Pagkatapos ng dalawang seasons kasama ang koponan, babakantihin na ni Michael “Coach Arcadia” Bocado ang head coaching position ng ECHO. Kasunod ito ng pahayag ng team sa social media kung saan magkasabay na nagpasalamat at nagpaalam ang MPL team sa beteranong mentor.

“No matter how sad, we believe that parting ways will help us grow better. So thank you, Coach Arcadia, for being one of the greatest coaches we’ve ever come across with,” sulat ng ECHO sa nasabing anunsyo.


Karera ni Coach Arcadia bilang head coach sa MPL PH

Credit: MPL PH

Itinuturing bilang isa sa mga pinaka-dekoradong coach si Arcadia dahil sa kaniyang mga naabot kasama ang mga koponang Sunsparks na kalaunan ay naging Aura PH at ECHO.

Malaki ang ginampanan ng 30-anyos sa kampanya ng noon ay Sunsparks team na sinelyo ang dalawang magkasunod na kampeonato noong MPL Philippines Season 4 at 5. Ang tagumpay na ito ang dahilan kun namalagi siya bilang gabay ng noon naman ay Aura PH sa magkasunod na seasons 6 at 7.

Bagamat hindi nakamit ang inaasam na kampeonato sa naturang seasons ay nanatiling positibo ang ECHO na sumandal sa kaniyang gilas sa drafting at coaching para sa kanilang kampanya noong Season 8.

Credit: MPL PH

Pagdako ng Season 9 ay naatasan si Coach Arcadia na akayin ang star-studded cast na binuo nina Karl “KarlTzy” Nepomuceno, Benny “Bennyqt” Gonzales, Frediemar “3MarTzy” Serafico, Tristan “Yawi” Cabrera at Jankurt “KurTzy” Matira.

At kahit maagang napurnada ang kampanya ng team noon ay ipinakita ng ECHO ang kanilang bangis partikular sa unang bahagi ng season kung saan inilista nila ang 5-0 winstreak katuwang ng palayaw na “Super Team” ng MPL.

Sa pagbakante ni Coach Arcadia sa posisyon, susundan niya ang kaniyang mga beteranong players na sina Ashley “Killuash” Cruz at Christian “Rafflesia” Fajura na una ng kumalas mula sa grupo.

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Blacklist kampeon ng SIBOL MLBB IESF WEC qualis, Coach BON CHAN pangungunahan ang team sa Indonesia