Opisyal nang ipinakilala ng ONIC Esports sina Kairi “Kairi” Rayosdelsol at Coach Denver “Yeb” Miranda bilang mga miyembro ng kanilang roster para sa ika-10 season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Indonesia (MPL Indonesia).

Sa isang press conference, na ni-livestream sa opisyal na YouTube channel ng organisasyon Lunes ng hapon, tinuldukan ng ONIC Esports ang mga agam-agam tungkol sa paglipat nina Kairi at Coach Yeb mula sa ONIC Philippines.

“Saya akan bermain [sebagai] jungler untuk ONIC Esports di MPL ID Season 10,” anunsyo ni Kairi sa harap ng mga dumalo ng naturang press conference.

(Maglalaro ako bilang jungler para sa ONIC Esports sa MPL ID Season 10.)

Kairi at Coach Yeb, ONIC Esports na

Kairi at Coach Yeb lumipat na sa ONIC Esports para sa MPL ID Season 10
Credit: Kairi.

Magkasunod na nagbatid ng pamamaalam ang ONIC PH sa ilan sa kanilang mga miyembro, kabilang na sina Kairi at Coach Yeb, noong nakaraang buwan.

Dito nagsimula ang mga haka-haka na lumipat na ang dalawa sa ONIC Esports, ang parent organization ng dati nilang koponan. Marami ring mga tanda ang nagtatangkang patunayan ito, gaya na lang ng biglang pagkapareho ng background ‘pag nagla-livestream nina Kairi at mga miyembro ng Indonesian esports team.

Kairi at Coach Yeb lumipat na sa ONIC Esports para sa MPL ID Season 10
Credit: Moonton

Bagamat opisyal na ang paglipat nina Kairi at Coach Yeb, nakatakda pang ikumpirma ng ONIC Esports ang kumpletong roster nila para sa MPL ID Season 10.

Sa ngayon, ito ang listahan ng mga manlalaro na bumubuo sa koponan:

  • Adriand Larsen “Drian” Wong
  • Nicky “Kiboy” Fernando
  • Thomas “SamoHT” Obadja
  • Calvin “CW” Winata
  • Muhammad “Butsss” Satrya Sanubari
  • Gilang “S A N Z”
  • Kairi “Kairi.” Rayosdelsol
  • Ahmad “Mars” Marsam (Coach)
  • Ronaldo “Aldo” Aditya Lieberth (Coach)
  • Denver “Yeb” Miranda (Coach)

Kinumpirma rin ni Coach Aldo, na nasa parehong press conference, ang kanyang pagkagalak sa pagdating ni Kairi sa ONIC Esports. Gayunpaman, kasama rin sa kanilang iaanunsyo pa ang mga roles na pupunan ng mga naunang player sa kanilang koponan.

Samantala, matatagpuan naman ang kumpletong listahan ng roster changes papasok sa MPL PH Season 10 dito.


Para sa mga karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: ONIC PH kinumpirmang sasabak pa rin sa MPL PH Season 10