Opisyal nang papakalawan ng ONIC Philippines ang kanilang superstar jungler na si Kairi “Kairi” Rayosdelsol. Ito ay ayon sa anunsyo ng koponan sa social media kung saan pinasalamatan nila ang “The Future” sa mga kontribusyon nito sa kanilang tangka makuha ang MPL Philippines kampeonato.

Credit: ONIC Philippines

“Undeniably one of the world’s best junglers, we have no doubt you’d rise even higher,” sulat ng team sa nasabing anunsyo.

Sa pag-alis ni Kairi sa roster ng ONIC PH, siya na ang ika-apat na miyembro na kakalas mula sa team ngayong offseason. Ito ay kasunod ng pagkalas nina Ian “Beemo” Sergio, Mico “Micophobia” Quitlong at ng head coach na si Denver “Coach Yeb” Miranda.

Credit: ONE Esports PH

Iiwan niya ang solidong starting five ng koponan na kinatatampukan ng kapitan ng team na si Allen “Baloyskie” Baloy, at nina Jaylord “Hatred” Gonzales, Marky “Marky” Capacio at Gerald “Dlarskie” Trinchera.


Kairi at Coach Yeb lilipat na nga ba sa ONIC Indonesia?

Umaalingawngaw ngayon sa social media ang usapang paglipat ni Kairi at Coach Yeb sa hanay ng ONIC Esports sa Indonesia. Ngayong opisyal ng nilisan ni Kairi ang kaniyang roster spot sa subsidiary team sa Pinas ay inaasahang mas iingay ang bulungang ito.

Credit: MPL Philippines

Nauna ng kumalas mula sa team si Coach Yeb. Matatandaan din na noong Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2022, namataang kasama ng Indonesian team sa backstage ang dating coach ng ONIC PH.

Gayunpaman, hindi pa naglalabas ng opisyal na anunsyo ng ONIC Esports tungkol dito.

Sundan ang mga kuwento sa MPL Philippines sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports sa Facebook.

BASAHIN: 3 MPL ID teams na may mataas na tsansang ma-recruit si Dlarskie