Naglabas ng opisyal na pahayag ang management ng ONIC Philippines patungkol sa kalagayan ng koponan papasok sa susunod na season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines.

Ito ay matapos pumutok ang mga haka-haka patungkol sa pagkakalusaw ng organisasyon. Sunod-sunod kasi ang pagpapaalam nila sa kanilang mga manlalaro, gaya nina Kairi “Kairi” Rayosdelsol, Mico “Micophobia” Quitlong, at maging ang coach nilang si Denver “Yeb” Miranda.

May pasaring din ang koponan sa kanilang opisyal na Facebook page, kung saan ipinabatid nilang mami-miss nila ang kanilang mga fans.

Ang opisyal na pahayag ng ONIC PH papasok sa MPL PH Season 10

ONIC PH kinumpirmang sasabak pa rin sa MPL PH Season 10
Credit: MPL Philippines

Sa isang panayam ng ONE Esports, kinlaro ni Rafael Sanchez, Country Manager ng ONIC Philippines, ang mga tanong patungkol sa kanilang organisasyon. Pinabulaanan niya ang mga chismis tulad ng pag-buyout ng Aether Main sa franchise slot ng koponan o di kaya’y ang pagkaka-disolve nito.

“No, that is not true. ONIC will still be part of Season 10,” sagot ni Sanchez.

(Hindi, walang katotohan ‘yon. Parte pa rin ng Season 10 ang ONIC.)

Hindi rin daw naging option para sa kanya na pakawalan ang koponan lalo na ipagsasaalang-alang ang samahang nabuo ng mga tao sa likod nito.

“Personally for me, it’s close to impossible for me to let go of ONIC PH. They have honestly been family for the last year or so, so definitely not,” paliwanag niya.

(Para sa akin, halos imposible na pakawalan ang ONIC PH. Naging pamilya na sila noong mga nakalipas na taon, kaya hindi talaga.)

ONIC PH kinumpirmang sasabak pa rin sa MPL PH Season 10
Credit: Moonton

Dagdag ni Sanchez, hindi pa tapos ang misyon ng koponan kaya’t mananatili silang gutom para makamit ito, “ONIC still has one goal that it still has not achieved which is winning a championship. So I hope with the push we will be making, we will be able to achieve it.”.

(May adhikain pang hindi naabot ang ONIC at iyon ay ang manalo ng kampeonato. Nawa’y makamit namin ‘to sa pagsisikap na ginagawa namin.)

Matatandaang pumasok ang organisasyong mula Indonesia sa Pilipinas noong ika-apat na season ng liga. Dalawang sunod na beses sila nakatapak sa grand final ngunit bigong maselyo ang kampeonato.

Dalawang beses na rin nilang nirepresenta ang bansa sa world championship ng MLBB. Ikalawang puwesto ang pinakamataas na kanilang nakamit na nangyari noong M3 World Championship.

Samantala, nakatakda pang ianunsyo ng koponan ang mga manlalarong bubuo sa kanilang roster papasok sa MPL PH Season 10.


Para sa mga karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Matapos lumisan sa ONIC PH, Kairi nasa Indonesia na ba?