Aldous. Yi Sun Shin. Kimmy. Iyan ang ilan sa mga hero na tipikal na pinipili ni Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza para kay Danerie “Wise” Del Rosario sa jungler position. Pero Bane jungle?

Hindi madalas.

Kaya naman noong isalang ng Blacklist International Coach ang fighter sa jungle sa MPL Philippines Season 8 Grand Finals, maraming fans ang napakamot ng ulo sa sorpresang pick.

Mas maraming miron ang napanganga sa kongklusyon ng championship series, dahil hindi lamang nagtagumpay ang komposisyon na ito patungo sa back-to-back kampyonato ng Blacklist, pinatunayan din nito ang henyo ng beteranong coach.


Praktikal ang rason ni Coach BON CHAN sa Bane jungle draft

Credit: MPL Philippines at Moonton

Sa isang eksklusibong panayam kasama ang ONE Esports PH, binanggit ng dekoradong coach ang pinakamalaking rason kung bakit napili niya ang Bane para sa kaniyang jungler.

Aniya, maiging pinag-aralan ng kalaban ang tipikal nilang komposisyon na nagtulak sa kaniya na baguhin ang atake ng draft. “Inuubos nila high win-rate heroes ni Wise kaya need na namin maglabas ng bago,” ani ni BON CHAN.

Sa dahilan naman kung bakit naging epektibo ang kaniyang Bane jungle draft, nilinaw ng utak sa likod ng UBE na sinubukan lang muna nila sa Game 3 ang hero pick ngunit nang makita niya ang laki ng epekto nito sa laro ay ipinagpatuloy niyang isalang ito.

“Nung una, try lang kahit medyo matagal na namin ‘di nagamit. Eh naging effective against our opponent at mabilis mag-tower down. Kaya Bane all the way na,” paliwanag ng Coach.

Matatandaang nailabas na rin ng Blacklist ang Bane jungle sa Week 7 Day 2 ng regular season kontra Smart Omega. Sa hero na ito, itinala ni Wise ang 4/1/4 KDA na tumulong isarado ng defending champs ang serye laban sa kanilang karibal, 2-0.


Performance ng Bane jungle sa Grand Finals

Mabilis ang arangkada ng UBE ng Blacklist sa Game 3 hanggang Game 5 sa tulong ng fighter hero bilang jungler. Tatlong magkakasunod na panalo ang inilista ng ngayon ay 2-time kampyon na Blacklist kung saan bumida si Wise sa kaniyang Bane na nagtala ng 12.0 KDA average.

Bukod dito, kapansin-pansin din ang bilis ng tower push at objective-taking ni Wise kaya naman nadispatya nila ang ONIC Philippines sa tatlong laro sa loob lamang ng 12 minuto average game time.

Sinelyo ng grupo ng Tier One ang kanilang ikalawang korona sa Game 5 na natapos lamang sa loob ng 11 minuto, bida ang Bane ni Wise na nagtala ng halimaw na 10/0/6 KDA.


Analisis sa draft, mga balita tungkol sa MPL at marami pang iba, tunghayan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pagsunod sa Facebook page ng ONE Esports Philippines!