Patuloy ang pamumuo ng pagkasabik ng mga fans matapos ilahad ng Bigetron Alpha ang roster na sasabak para sa kanila sa MPL Indonesia Season 12. Isinapubliko ng organisasyon ang nasabing lineup noong June 28 katuwang ng pag-asang ito na ang pagkakataon nilang pagharian ang top MLBB liga sa Indonesia.

Inilabas ng management ang anunsyo gamit ang isang malikhaing video sa kanilang YouTube channel. Bagamat hindi na lingid sa kaalaman ng mga miron ang babanderang players sa lineup, hindi nito binawasan ang galak ng fans na nanood ng reveal kung saan itinampok ang mga manlalaro sa isang interogasyon matapos maakusahang sumali sa isang misyon na “magnakaw ng mga tropeyo”.

Tampok din sa nasabing bidyo ang Bigetron Alpha talents na sina Mayden at Valezka na ginalugad ang motibo sa likod ng ginawa ng mga miyembro ng team, at ang kani-kanilang pambihirang kapangyarihan.


Ang simula ng bagong biyahe papunta sa itaas

Magsisimula ang kampanya ng Bigetron Alpha na umakyat sa tuktok ng MLBB eksena sa Indonesia ngayong July 13. Susubukan nilang pagtagumpayan ang walong linggo ng aksyon.

Ngunit kaiba noong nakaraang season, mas magiging mapanghamon ang lakbayin ng Red Robots ngayong mapapabilang sila sa siyam na koponan na maglalaban-laban para sa tropeyo matapos ang ginawang expansion ng liga. Ito ay karugtong ng pagsali ng Dewa United Esports sa franchise league.

Credit: Bigetron TV

Sa opening week, susubukan ng Bigetron Alpha na patunayan ang kanilang lakas sa matitikas na Geek Slate at Alter Ego. Kung magtatagumpay ang BTR kontra sa malupit na kumpetisyon sa Week 1 ay magiging maganda ang kanilang pundasyon para makarating ng playoffs.

At hindi malabong magawa ito ng koponan. Kung sisilipin ang kanilang performance sa gumulong na H3RO Esprots 4.0 event, makikita ang kanilang pambihirang kemistri at dulas, mga dahilan kung bakit hinirang sila bilang kampeon matapos ang patimpalak. Bukod dito, nasungkit din ng BTR ang karangalan bilang koponan na kakatawan sa Indonesia sa paparating na IESF WEC 2023 sa Romania ngayong Agosto.

Kung maipagpapatuloy ng Bigetron Alpha ang kanilang momentum sa MPL ID S12 ay siguradong magkakaroon ng kumpetisyon ang teams tulad ng ONIC Esports at EVOS Legends na kasalukuyang namamayagpag sa liga.


Bigetron Alpha roster para sa MPL ID S12

  • Super Ken (Jungle)
  • Super Vyn (Roamer)
  • KYY (Roamers/Midlaners)
  • Moreno (Midlaner)
  • Saken (Goldlaner)
  • Xorixo (EXP lane)

Sundan ang pinakahuli sa MLBB esports sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Guide sa bagong MLBB Emblem System: Tuklasin ang pinakamagandang talents at settings!