Manunumbalik ang Blacklist International sa tugatog ng MPL Philippines Season 10 regular season standings. Ito ay karugtong ng pagpapadapa nila sa RSG Philippines sa kapanapanabik na 3-game serye kung saan nanaig ang koponan ng Tier One, 2-1.


Blacklist ni-reverse sweep ang RSG PH

Credit: MPL Philippines

Inantabayanan ng fans ang paghaharap ng kapwa kampeon ng MPL PH at hindi sila nabigo sa nasaksihang bakbakan. Kinailangan ng tatlong laro para malaman kung sino ang mas matatag ngunit Blacklist ang nanaig sa dulo.

Swabe ang ipinamalas na shotcalling at disiplina ng M3 World Champions sa decider kung saan nanguna si Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna hawak ang kaniyang signature Mathilda, partikular na sa huling engkwentro ng laro.

Habang umaamba ang dalawang teams sa Lord pit sa ika-31 minuto ng game three ay pinagtulungan nina OhMyV33NUS at Edward “EDWARD.” Dapadap sa Esmeralda ang Beatrix ni Eman “EMANN” Sangco. Pagkatapos ng mabigat na pick-off ay sinindihan na ng Blacklist ang death push para isarado ang laro sa susunod na minuto.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Bagamat nanaig ang koponan ng V33Wise duo ay hindi naman bigo ang raiders na nagpunta para suportahan ang kanilang koponan sa ICITE Building.

Nakuha man ng Blacklist ang momentum sa huling bahagi ng unang mapa, isang brilyanteng play mula kay Dylan “Light” Catipon ang epektibong bumaliktad sa kinalabasan ng opener.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Katuwang ng Enhanced Lord ay nag-martsa ang mga miyembro ng Blacklist para tangkaing isarado ang laro sa ika-18 minuto, ngunit pasabog ang ginawa ni Light na pumihit ng isang Flicker- Noumenon Blast combo na gumulantang sa kalabang team. Hindi lamang nito naudlot ang abanse ng BLCK, nasindihan din nito ang reverse push ng RSG PH para tapusin ang laro sa ika-20 minuto.

Mistulang RSG PH na ang kukuha ng serye dala ng momentum sa game one ngunit hindi pinayan ni Salic “Hadji” Imam na makuha ng defending champions ang inaasam na sweep.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Perpektong 2/0/8 KDa at 100% Kill Participation ang ipinako ng Season 8 MVP hawak ang kaniyang Faramis para sindihan ang pamatay na death push ng Blacklist sa larong hindi lumampas ng 11 minuto.

Dahil sa panalo ng BLCK, makukuha muli nila ang top spot sa regular season rankings kung saan may 1 point kalamangan sila sa 13 points ng ONIC Philippines na nasa 2nd place.

I-check out ang Facebook page ng ONE Esports Philippines para sa iba pang updates tungkol sa MPL PH.

BASAHIN: Blacklist International bumalik sa winning track, sinelyo ang malinis na 2-0 panalo kontra TNC