Aminado si Blacklist International coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza na hindi lang kay jungler Michael “MobaZane” Cosgun sila nahirapan kundi sa buong koponan ng BloodThirstyKings.

Ito’y matapos gulatin ng BTK ang MLBB fans (maliban sa 2% ng mga Pinoy) nang itala nito ang pinakamalaking upset sa ngayon sa M3 World Championship sa pamamagitan ng 3-2 panalo kontra sa back-to-back champion ng MPL Phiippines sa unang round ng upper bracket playoffs.


BON CHAN inihalintulad ang BTK sa kanyang koponan

Credit: Moonton

“Lahat sila,” sagot ni coach BON CHAN nang tanungin ng mga Filipino caster at analyst kung kanino sila nahirapan sa BloodThirstyKings sa kanilang serye.

“Fundamental lang ‘yung ginagawa nila pero napaka-effective,” dagdag pa niya.

Naihalintulad pa nga ng beteranong coach ang playstyle ng pambato ng North America sa sarili nilang galawan kaya umano sila talagang nahirapan.

“Para silang kami na objectives-oriented. Hindi sila ‘yung tipong humahanap ng kills. Panay sila setup sa objectives kaya dun kami nadali.”

Kitang-kita ito sa deciding Game 5 kung saan siniguro ng BTK ang tatlong Turtle objectives at ang unang Lord para agad na tapusin ang laro at hindi na hayaan pang makatungtong sa late game ang Aldous ni Danerie James “Wise” Del Rosario.


Blacklist International babawi sa lower bracket

Credit: Moonton

Sinabi rin ni coach BON CHAN na natutunan nila sa serye na ito na ‘wag mag-focus sa isang player lang ng kalaban, kagaya ng madalas na ginagawa ng ibang koponan laban sa kanila sa pamamagitan ng pag-target ban sa mga hero ni captain-support Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna.

Sa Game 1 ng serye, tinanggal ng Blacklist ang mga hero ni MobaZane pero nakagawa pa rin siya ng paraan gamit ang Saber. Sa sumunod na tatlong laro, nanatiling priority ban nila ang Roger, Natan at Yi Sun-Shin ng Amerikanong jungler.

Sa Game 5 na lang nila napagdesisyunan na baguhin ang kanilang first phase bans maliban sa Natan ngunit nakapag-adjust ang BTK at tuluyang kinumpleto ang kanilang upset bid.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

“Parang ganun lang din ‘yung ginagawa sa’min ng ibang team dati. Parang ‘yung nagfo-focus sa isang player pero ayun nga dun namin naramdaman na hindi dapat ganun,” wika ni BON CHAN.

Bagamat bigo sa unang araw ng playoffs, hindi pa tapos ang kampanya ng Blacklist International sa pagkuha ng world title dahil may tsansa pa sila sa lower bracket.

“Sorry nabigo namin kayo ngayong araw na ‘to pero asahan niyo na babawi kami sa mga susunod na laban. May isa pa tayong buhay,” sabi ni BON CHAN.


Panoorin ang playoffs ng M3 World Championship sa Facebook page at YouTube channel ng Mobile Legends: Bang Bang.

Sundan ang mga kaganapan sa M3 sa pamamagitan ng pag-like sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.