Pagkatapos lusutan ng Blacklist International ang RSG Philippines, 2-1 sa huling serye ng Week 7 ng MPL Philippines Season 9, inulan ng pambabatikos ang RSG PH coach na si Brian “Panda” Lim na diumano ay ibinenta ang nasabing match para mapanatiling buhay ang playoff hopes ng defending champions.
Agad namang pinasaringan ng Blacklist Coach na si Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza sa social media ang nagpapakalat ng malisyosong kuro-kuro, kung saan pinasadahan niya ang ilang dahilan kung bakit hindi ito gagawin ng RSG gayundin kung bakit isa itong pagwawalang-galang sa kakayahan ng numero unong team ngayong season.
Coach BON CHAN sa mga bumabatikos sa RSG PH: ‘Are you guys out of your mind?’

Isang linggo matapos maging sentro ng pangbabash online tungkol sa kaniyang drafting, hindi pinayagan ni Coach BON CHAN na dumugin ng negatibong pananaw ang kaniyang RSG PH counterpart. Sulat niya sa kaniyang post sa Facebook, “Last week ako trip nyo, today si Coach Panda naman.. Are you guys out of your mind?”
Inilatag din ng dekoradong coach ang ilan sa mga rason kung bakit hindi ito magagawa ng isa sa mga pinakamainit na koponan ngayon sa MPL.
“Anong benefit ang makukuha nila samin if magtthrow sila? There is a big prize money for every win. And every RSG member has their own needs, tapos ibibigay lang nila samin? Have some respect to RSG Philippines. This is their season,” paliwanag ni BON CHAN.

Hinamon pa ng Blacklist coach ang mga miron na ilapag ang ebidensya ukol sa pagbebenta ng laro at sila mismo ang mag-uulat nito sa kinauukulan.
Nauna ng humingi ng paumanhin si Coach Panda sa mga Raiders tungkol sa naganap sa mainit na bakbakan kontra Blacklist. Sulat niya sa Facebook, “Sorry guys. Nag overthink ako sa draft. There was no intention for any kind of benta or throwing. We also wanted to win para secure the top slot.”
Sambit pa ng RSG PH Coach, “Just more improvement needed as a Coach. Will bawi and comeback stronger.”
Ang Aldous pick ni Coach Panda ang naging dahilan kung bakit umuugong ang kuro-kuro

Nagkaroon ng pagkakataon ang RSG PH na wakasan ang pag-asa ng koponan ni Coach BON CHAN sa Game 2 kung saan isinalang niya ang Masha para kay Dylan “Light” Catipon, Lancelot para kay Jonard “Demonkite” Cedrix Caranto at Esmeralda para kay Nathanael “Nathzz” Estrologo.
Sinagot naman ito ng Blacklist ng sarili nilang comfort picks tampok ang Beatrix ng Filipino Sniper na si Kiel “OHEB” Soriano, Ling ni Kent Xavier “KEVIER” Lopez at Uranus para kay Edward “Edward” Dapadap.
Gayunpaman, sorpresang Aldous pick ang inilabas ni Coach Panda para kay Eman ‘EMANN’ Sangco bilang pangontra sa Ling bagamat taliwas sa kaniyang tipikal na marksman picks para sa kaniyang gold laner.

Umasa ang RSG PH sa late game capability ng Aldous para sa sweep, ngunit hindi pinayagan ng Blacklist makapondo ang fighter sa gold lane na muli’t-muli nilang binisita sa lane. Hindi nagawa ni EMANN na makaipon ng stacks sa early game kung saan 0-2 siya sa loob ng 6 na minuto, at pagdako naman ng midgame ay mas malalang 0-5 ang kaniyang kill-death score.
Sa kabilang banda, ipinagpatuloy ng team ni Coach BON CHAN ang maagang ratsada para ipako ang Game 2 panalo, at bigyang-daan ang swabeng maniobra sa Game 3 para maibaling ang sweep papunta sa kanilang panig.
Dahil sa panalo, nanatiling buhay ang playoff hopes ng Blacklist na kakaharapin ang karibal na Smart Omega sa regular season closer.
Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa MPL sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.