Umalis na ang isa sa mga haligi ng Bigetron Alpha na si Jabran “Branz” Bagus at hindi maglalaro para sa koponan sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Indonesia (MPL ID) Season 9.

Matapos ang anim na makabuluhan season kasama ang Bigetron Alpha, inanunsyo ni Branz ang kanyang paglisan sa organisasyon para maging isang free agent.

Ang pag-alis ni Branz sa Bigetron Alpha

Unang inere ang anunsyo ng pag-alis ng 21-year-old pro sa pamamagitan ng isang video sa YouTube channel ng Bigetron Alpha kung saan ibinahagi niya ang kanyang pasasalamat sa organisasyon.

“After many joys and sorrows with Bigetron Alpha, now it’s time for me to say goodbye (Matapos ang napakaraming masasaya at malulungkot na pangyayari kasama ang Bigetron Alpha, panahon na para sabihin ang aking pamamaalam),” wika ni Branz.

Dati pa ay may mga pangyayari nang tila nagpapahiwatig ng pag-alis ni Branz sa koponan. Una itong naging usap-usapan noong hindi siya nakita sa ONE Esports MPL Invitational 2021 at sa 2021 Esports President’s Cup.

Walang pahayag kung saang koponan siya sunod na maglalaro.

Ang mga tagumpay ni Branz sa Mobile Legends sa mga nakalipas na taon

Branz
Screenshot ni Jules Elona/ONE Esports

Bagamat hindi nanalo ng kampeonato sa MPL ID kasama ang Bigetron Alpha, may ilang highlight sa karera ng solidong marksman player.

Ang pagkapanalo niya bilang regular season Most Valuable Player noong MPL ID Season 5 ang kanyang pinakamalaking individual award.

Kapana-panabik kung saan siya sunod na mapupunta, lalo na’t ngayon ay maraming koponan ang naghahanap ng mga marskman player dahil sa kasalukuyang meta ng laro.


Para sa mga balita at guides tungkol sa Mobile Legends, sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

Pagsasalin ito ng orihinal na akda ni Jules Elona ng ONE Esports.