Nanitili sa bansang Indonesia ang kampeonato para sa MPL Invitational, matapos mapagtagumpayan ng ONIC Esports ang grand final ng naturang turneo kontra Blacklist International sa score na 3-1.

Dalawang pambato ng Pilipinas ang dinaig ng kampeon ng MPL Indonesia para maselyo ang tagumpay. Nilaglag nila ang RSG Philippines noong quarterfinal para maka-abante sa semifinals, kung saan ang kapwa Indonesian team na Alter Ego naman ang kanilang tinalo.

Harapan sa pagitan ng dalawang MPL champions ang naging tema ng best-of-five finale kung saan napatunayang kaya ng ONIC Esports may tatalo na sa ‘UBE’ strategy ng Blacklist International.

ONIC Esports na-decode ang Blacklist International sa MPLI 2021

Blacklist International versus ONIC Esports sa MPLI 2021 grand final

Ang mga Pinoy ang nagdikta sa takbo ng laban sa unang mapa. Bukod sa championship Bane ni Wise, napalusot na Estes ni OhMyV33nus, at Lunox ni OHEB, nagpakitang-gilas din si Hadji bilang Jawhead para maselyo nila ang maagang kalamangan.

Sa kabuuan, 14 minuto lang ang kinailangan ng back-to-back MPL PH champions para maka-first blood sa serye. Kinilala ang Lunox ni OHEB bilang MVP ng laban matapos magtala ng pitong kills at tatlong assists nang hindi namamatay.

Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Ipinagpatuloy nina OhMyV33nus sa ikalawang mapa ang aggression sa pangunguna ng isa pang Bane pick para kay Wise. Malaki-laki ang naging lamang ng Blacklist International sa unang habagi ng laban hanggang sa magpasiklab ang Yi Sun-shin ni S A N Z.

Hindi na nakabawi ang mga pambato ng Pilipinas matapos matalo sa team fight noong bandang ika-11 minuto ng bakbakan. Nakapagtala ang naturang Indonesian Jungler ng 10 kills at tatlong assists nang hindi namamatay upang maitabla ng ONIC Esports ang serye.

Screenshot ni Maouie Reyes / ONE Esports

Pagdating ng ikatlong mapa, ipinabatid ng ONIC Esports mula sa kanilang draft na tila na-decode na nila sa wakas ang Blacklist International. Naipit kasi nila si Wise na gumamit ng Granger matapos nilang agawin ang Bane at Yi Sun-shin, kasabay ng pag-ban sa Aldous.

Screenshot ni Maouie Reyes / ONE Esports

Bakas sa kanilang galaw sa Land of Dawn ang panalong ito ng ONIC Esports sa drafting phase. 12 minuto lang kasi ang kanilang kinailangan upang mabasag ang base ng kanilang kalaban at makuha ang kalamangan sa serye.

Pagdating sa ika-apat at kalauna’y huling bakbakan, tuluyan nang napatunayan ng kinatawan ng Indonesia na sila ang pinakamalakas na koponan sa rehiyon.

Kahit muling napasakamay ni Wise ang kanyang Bane, gayun din ang Paquito ni Edward, hindi ito naging sapat para mapigilan ang Natan ni S A N Z at Chou ni CW. Tinapos ng ONIC Esports ang laban sa loob ng 17 minuto para maiuwi ang kampeonato.

Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Dahil sa kanilang panalo ONIC Esports ang mag-uuwi ng pinakamalaking bahagi ng US$100,000 na prize pool.

Subaybayan ang Facebook page ng ONE Esports Philippines para sa mga balita tungkol sa Mobile Legends: Bang Bang!