Kumpiyansa ang Blacklist International head coach na si Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza na isa sa mga kupunan galing sa Pilipinas ang magkakampyon sa gaganaping MPL Invitational 2021.

Binanggit ito ni Blacklist Coach BON CHAN sa isang panayam kasama ang ONE Esports PH, kung saan inilahad din niya ang ilang saloobin sa bubuksang torneyo ngayong November 2.


Kampante si Blacklist Coach BON CHAN sa kamandag ng PH Teams

Credit: MPL Philippines

Sa tanong kung magiging maganda ba ang performance ng mga Pinoy teams sa paparating na international kumpetisyon, kampante ang dekoradong coach sa lakas ng mga kasamahan sa MPL PH.

“Mukhang PH ang magcchampion this time,” ani ng utak sa likod ng back-to-back champions.

Gayunpaman, nilinaw niya na bagamat malakas ang mga kinatawan ng Pinas, dekalibre pa rin ang mga lalahok na teams mula sa ibang rehiyon.

Tingin ni Coach BON CHAN, magpapakitang-gilas ang mga kupunang nagpasok ng mga bagong players dahil aniya, “Wala kaming data kung ano ang capabilities nila.”

Preparasyon ng MPL PH S8 Champs papunta sa MPLI 2021

Credit: Blacklist International

Kasabay ng matagumpay na pagdepensa sa kanilang korona sa katatapos lamang na MPL Philippines Season 8, batid ng Blacklist coach BON CHAN na nakatitig ang buong mundo sa kanilang magiging performance sa pagbubukas ng MPLI 2021.

Numero uno sa inilabas na power rankings ang back-to-back champs, kung kaya’t hindi ikinaila ng coach ang kaniyang saloobin tungkol dito. “Pressured dahil karamihan talaga nag-eexpect ng malaki samin,” banggit niya.

Bagamat sentro ang kaniyang kupunan sa magaganap na bakbkan, tiwala ang head coach sa paghahanda ng kaniyang kupunan. Ibinahagi ng coach na pareho ang atake nila sa preparasyon, bagamat inamin niya na “mas magaan ngayon.”


Antabayanan ang mga istorya tungkol sa Blacklist International sa MPLI 2021 sa pamamagitan ng pagusbaybay sa Facebook page ng ONE Esports Philippines!