Isa na namang kinatawan ng Pilipinas ang namalaam sa ONE Esports MPL Invitational 2021 (MPLI 2021) matapos kapusin ang RSG PH kontra sa Indonesian champion na Onic Esports, 1-2, sa quarterfinals.

Dahil dito, ang back-to-back MPL Philippines champion na Blacklist International na lang ang pambato ng Pilipinas na natitira habang tatlo pa ang koponan ng Indonesia sa US$100,000 (higit PHP5 milyon) Mobile Legends tournament ng ONE Esports.


RSG PH naka-first blood sa serye

Credit: ONE Esports
Screenshot ni Jeremiah Sevilla

Pinarusahan ng RSG PH ang Onic Esports sa pagpili nito ng greedy double assassin lineup na may jungle Hayabusa at mid Yi Sun-Shin. Maagang nakaarangkada ang mga Pinoy salamat sa magandang rotation nila EJ “Heath” Esperanza sa Hylos at Arvie “Aqua” Antonio sa Lylia.

Sa bandang 11-minute mark, inagaw ni Kenneth Jiane “Kenji” Villa sa Uranus ang atensyon ng Onic papunta sa top lane kaya nabigyan niya ng space sila Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto sa Paquito at Eman “EMANN” Sangco sa Natan ang unang Lord.

Bagamat nakapalag-palag pa ang Onic, ‘di bumitaw ang mga bata ni coach Brian “Panda” Lim sa kanilang kalamangan at sa 17-minute mark ay na-wipe out nila ang Indonesians kapalit ang tatlo bago nagmartsa sila EMANN at Heath sa mid tungo sa pagbagsag ng base.

Pinangalanang MVP ng laro si EMANN matapos magtala ng 3-1-9 KDA at magpakawala ng mahigit 50K damage.


Sanz lumiyab, Onic ID pinatalsik ang RSG PH

Onic ID pinatalsik ang RSG PH sa MPLI 2021
Credit: ONE Esports
Screenshot ni Jeremiah Sevilla

Matapos magpahinga sa unang laban, bumalik sa main five ang super rookie ng Onic ID na si Gilang “S A N Z” at agad siyang nagpasiklab.

Gamit ang kanyang jungle Paquito, binuhat ni Sanz ang Onic papunta sa dominanteng panalo sa loob lamang ng halos 13 minuto sa Game 2 kung saan tumikada siya ng 5-0-1 KDA at sumapak ng 45K damage.

Mainit pa rin si Sanz pagdating ng do-or-die Game 3 sa kanyang napakalikot na Hayabusa kaya naman maagang nakaariba ang MPL Indonesia Season 8 titlist.

Pumitas ng kills ang star jungler sa buong mapa at inorkestra ang naglalagablab na atake ng Onic na pumoste ng 12-4 kill score at 5K gold lead sa unang pitong minuto pa lamang ng laro.

‘Di na nagpaawat pa ang hari ng Indonesia at isang team wipe sa 15-minute mark ang tuluyang pumako sa hantungan ng RSG.


MPLI 2021 bracket matapos ang quarterfinals

Magsasalpukan ang Blacklist International at RRQ Hoshi habang kakalabanin naman ng Onic Esports ang defending MPLI champion na Alter Ego sa semifinals.

Ang semifinals at grand finals ng ONE Esports MPLI 2021 ay gaganapin sa Linggo, ika-pito ng Nobyembre. Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng torneo sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.