Nagbabalik na nga talaga ang bangis ng Bren Esports sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8 matapos nilang walisin ang Onic Philippines, 2-0, sa huling laban ng Week 5 Day 2.

Rumatsada ang Bren patungo sa kanilang ikatlong sunod na panalo at lumundag mula sa No. 7 patungo sa No. 5 ng standings para siguruhing buhay ang kanilang tsansa na makapasok sa playoffs.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Lusty, Pheww inilahad ang naging problema ng Bren Esports

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Hindi naging madali para sa Bren Esports na makuha muli ang kanilang solidong chemistry at malinaw na comms (in-game communication).

Kinuwento ng beteranong tank/roamer na si Allan “Lusty” Castromayor sa post-match interview ang naging pinakamatinding problema ng M2 world champions ngayong season.

“Nung puro talo kami ng three weeks na magkakasunod, nawalan kami ng tiwala sa isa’t-isa. ‘Yun ‘yung pinakamalaking problema namin,” ani ni Lusty.

“Siyempre para sa’min lahat kami may napatunayan na. (Kaya) ‘yung desisyon namin sa laro parang para sa’min kada player (ay) tama. ‘Dun kami nagkasira-sira,” dagdag pa niya.

Sinang-ayunan naman ni captain-support Angelo “Pheww” Arcangel na ito nga ang naging hadlang sa kanilang koponan noong mga nakaraang linggo ng liga.


Coach Ducky nagpa-open forum

Credit: MPL PHilippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Mabuti na lamang at nakaisip si coach Francis “Ducky” Glindro ng mabisang solusyon para maibalik ng mga bata niya ang tiwala nila sa isa’t-isa.

“Nung nananalo na kami, nag-usap-usap kami lahat na parang walang panalo, parang itabi muna namin ‘yung mga napatunayan namin,” sabi ni Lusty.

“Parang ano siya, open forum,” sambit ni Pheww. “Buti na lang si coach (Ducky) nagpaganun nga siya ‘yung open forum. Nasabi namin sa isa’t-isa ‘yung mga kailangan naming sabihin.”

Dito na nanumbalik ang galawan ng M2 World Championship-winning lineup ng Bren Esports na naging susi para makapagtala sila ng three-match win streak.

Susubukan ng boys in black and yellow na ipagpatuloy ang kanilang momentum sa natititra pa nilang apat na laban sa huling dalawang linggo ng MPL Philippines Season 8.

I-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya tungkol sa liga. Mapapanood ang mga laban sa opisyal na Facebook at YouTube channel nito.