Matapos iuwi ang korona ng M3 North American Qualifier, sasalang ang BloodThirstyKings (BTK) sa una nilang international competition ngayong Disyembre sa M3 World Championship.

Sa kanilang pagsabak, kahaharapin nila ang pinakamagagaling na Mobile Legeds: Bang Bang teams sa buong mundo. Bagamat malaking hamon ito sa baguhan pa lamang na koponan, kumpiyansa ang kapitan ng BTK na si Michale “MobaZane” Cosgun sa kanilang kampanya sa group stages.


Buo ang loob ni MobaZane na sasakupin ng BTK ang M3 World Championship

Sa isang YouTube livestream, ibinahagi ni MobaZane ang kaniyang pananaw sa Group C bracket na katatampukan ng MPL SG Season 2 champion EVOS SGMPL KH Season 1 champion SeeYouSoon, at Mobile Legends Mythic League CIS champion Navi. 

“Here’s my idea on the group stage, I think we’re gonna get first in that,” banggit ng kapitan. “And we’re gonna go versus Blacklist International soon enough,” Nang punahin ng mga manonood ang kaniyang pagkakampante, matapang ang tugon ni MobaZane.

Aniya, “The thing is I know we are, can I even lie to myself?”. Dagdag pa niya, “We’re first, they just don’t know it yet.”


Dominante ang BloodThirstyKings sa NA MLBB

Credit: ʙTᴋ MobaZane and Moonton

Matikas ang tindig ng koponan sa eksena sa North America, kung saan sinakop nila ang North America Challenger Cup sa pamamagitan ng pagpapatalsik sa paboritong Team GOSU sa 3-0 sweep sa grand finals.

Bukod dito, BTK rin ang kampyon ng David “Assasin Dave” Mao NA Community Tournament matapos walisin ang Area 77.

Higit sa mga ito, sila ang unang koponan na nag-uwi ng kampyonato sa M3 North American Qualifier nito lamang Setyembre, kung kaya’t sila rin ang koponang kakatawan sa NA ngayong M3.

Ngayong papalapit na ng papalapit ang pagbubukas ng pinakamalaking MLBB event ng taon, magagawa kaya ng BloodThirstyKings na panindigan ang sinambit ng kanilang kapitan?

Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa M3 World Championship sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook!