Nagbigay ng prangkang opinyon si midlaner Clay ng RRQ Hoshi sa Bigetron Alpha matapos ang kanilang 2-0 sweep victory sa huling laban sa ikalawang linggo ng MPL Indonesia Season 9.

Ito na ang ika-11 na panalo ng “King of Kings” sa 12 na sagupaan nila kontra sa “Red Aliens” sa naturang liga.

Dahil sa dominasyon na ito, tinawag noon nila RRQ veterans Lemon at Vynn na “guinea pig” ang BTR para sa kanila.

Ngayon naman, may bagong bansag na inilahad si Clay.


Clay ng RRQ Hoshi sinabing takot ang Bigetron Alpha sa kanila

Clay ng RRQ Hoshi
Credit: Instagram account ni Clay

Mabigat ang binitawang sagot ni Clay ng RRQ Hoshi nang tanungin siya kung ano sa tingin niyang mga pagkakamali ng Bigetron Alpha sa kanilang laban.

“Maybe if from what I saw, they played like they were hesitant, still afraid as well. Maybe they still consider themselves rabbits, so they’re still afraid to fight us,” sabi ni Clay.

(Sa nakita ko, nag-aalangan silang gumalaw at takot pa rin sila. Siguro tinuturing pa rin nila ang kanilang mga sarili na mga rabbit kaya takot pa rin silang lumaban sa’min.)

Bago ito, nauna nang tinawag ni Lemon noon ang Bigetron Alpha na guinea pig matapos ang 2-1 panalo sa isang nakaraang season ng MPL ID. Sinabi niya ito sa isang interview din bilang tugon sa narinig niya mula sa isang BTR player.

Credit: RRQ Hoshi

Sa naturang match, nakuha ng Bigetron ang maagang bentahe pero nakabalik ang RRQ sa serye at tuluyang nilista ang panalo. Matapos ang laro, narinig umano ni Lemon ang isang player na nagsabing tsamba lang ang kanilang pagkapanalo.

Mula noon, tinawag na ng RRQ ang BTR bilang kanilang guinea pig kaya naman palaging mainit ang tapatan sa pagitan ng dalawang koponan.

Lalo pang iinit ito sa hinaharap dahil na rin sa mga binitawang salita ni Clay ng RRQ Hoshi.


Ito’y pagsasalin ng artikulo ni Verdi Hendrawan ng ONE Esports Indonesia.